Wednesday, September 24, 2025

Zaldy Co ‘di papadalhan ng imbitasyon ng Senado

 

 Hindi papadalhan ng imbitasyon ng Senate Blue Ribbon Committee si Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co kahit na itinuturong kumita siya umano ng bilyun-bilyong piso mula sa flood control scandal.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfillo “Ping” Lacson, naabutan na niya sa Kongreso ang tradisyon kung saan hindi iniimbitahan sa pagdinig ang miyembro ng Kongreso dahil sa tinatawag na “inter-parliamentary courtesy.”

“He (Co) is still a congressman…merong tradition voluntary he can appear and testify or manifest pero to send invite or subpoena hindi proper,” ani Lacson.

Sinabi rin ni Lacson kahit na sobrang bigat ang alegasyon kay Co, hindi pa rin “proper” na pilitin itong dumalo o padalhan ng subpoena.

Pero sinabi rin ni Lacson na bukas ang komite kay Co sakaling nais nitong dumalo sa pagdinig at ibigay ang kanyang panig sa isyu.

Sa pagdinig ng komite noong Martes sinabi ni dating DPWH Bulacan 1st District assistant district engineer Brice Hernandez na nasa P1 bilyong cash na naka-impake sa 20 maleta ang isinakay nila sa anim hanggang pitong van para ihatid kay Co sa Shangri-La Hotel sa Taguig.

No comments:

Post a Comment