Isasailalim ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson sa masusing record check and background investigation (RCBI) ang “surprise witness” na si Orly Regala Guteza dahil sa bigat ng kanyang testimonya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Huwebes.
Sabi ni Lacson, chairman ng komite, si Guteza, na nagsasabing dati siyang Marine at security consultant ni Rep. Elizaldy Co, ay iniharap sa komite nitong Huwebes nang walang abiso o paunang pabatid.Mas lumala ang usapin nang sabihin ng abogadong ang pangalan, pirma at notarial details na nakasaad sa sinumpa¬ang salaysay ni Guteza ay hindi siya ang nagnotaryo, lumagda o tumulong sa paghahanda ng dokumento.
“Without the courtesy of notice even to the committee chairman, a totally surprise witness in yesterday’s Blue Ribbon hearing, a complete record check and background investigation on Orly Regala Guteza is in order owing to the gravity and seriousness of his testimony yesterday,” sabi ni Lacson sa pinost sa X. Iniharap ni Senador Rodante Marcoleta si Guteza sa pagdinig noong Huwebes at sinabi niyang ipinakilala ito sa kanya ni dating Rep. Michael Defensor
Sa kanyang testimonya, sinabi ni Guteza na nagdala siya ng mga maleta ng pera na tinawag umanong “basura” sa mga bahay nina Co at dating Speaker Martin Romualdez. Itinanggi ni Romualdez ang paratang ni Guteza na idineliber ang mga pera sa bahay nito sa Forbes Park dahil mula noong Enero 2024, nire-renovate na ito at hanggang ngayon ay mga construction worker lamang ang makikita roon.
Samantala, sinabi ni Lacson na wala siyang nakikitang isyu kung dadalo si Co sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee hinggil sa korapsiyon sa likod ng mga maanomalyang flood control project.
Giit ni Lacson, maaaring kusang-loob na dumalo si Co, at idinagdag niyang ang inter-parliamentary courtesy ay hindi ibinibigay sa indibidwal na miyembro ng Kamara kundi sa institusyong kanilang kinakatawan. (Dindo Matining)

No comments:
Post a Comment