Monday, December 9, 2024

SMB isusunod na biktima ng Rain or Shine

 

Ang ikalawang sunod na panalo ang puntirya ng Rain or Shine sa pakikipagkita sa nagdedepensang San Miguel sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.

Nakatakda ang duwelo ng Beermen at Elasto Painters ngayong alas-7:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Blackwater Bossing at guest team Eastern sa alas-5 ng hapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Nagmula ang Rain or Shine (1-1) sa  99-81 pag­bug­bog sa Eastern (3-1) , habang na­kalasap ang San Miguel (1-1) ng 99-104 pagyukod sa NLEX (3-1) sa kanilang mga hu­ling laro.

Sa nasabing panalo sa Hong Kong team ay ipi­narada ng Elasto Pain­ters si 6-foot-8 import Deon Thompson na humakot ng 21 points at 15 rebounds sa kanyang PBA debut.

Pinalitan ng 36-anyos na dating miyembro ng Ivory Coast national team si Kenneth Kadji.

“He changes the che­mistry for the better. Mas ma­ganda ‘yung ikot ng bo­la, tapos ang galing niyang du­mipensa,” ang pagpuri ni coach Yeng Guiao kay Thompson.

Si balik-import Quincy Miller ang itatapat ng Beermen kay Thompson.

Sina Andrei Caracut, Beau Belga, Adrian Nocom, Leonard Santillan at Keith Datu ang muling ma­kakatulong ni Thompson sa Rain or Shine laban ki­­na Miller, eight-time PBA MVP June Mar Fajardo, CJ Perez, Marcio Lassiter, Chris Ross, Juami Tiongson at Mo Tautuaa ng SMB.

Sa unang laro, ang ma­kasampa sa win column ang hangad ng Blackwater sa pagsagupa sa Eastern.

Nakatikim ang Bossing ng 100-118 kabiguan sa Magnolia Hotshots (1-2) at 95-107 pagyukod sa NLEX Road Warriors.

Target naman ng Eas­tern na masundan ang 105-84 panalo sa TNT Tro­pang Giga (0-2).

“Each game is tough, each game is a new challenge. PBA teams have different styles of playing and for each game we need to make adjustments,” ani coach Mensur Bajramovic ng Hong Kong squad.

No comments:

Post a Comment