Monday, December 23, 2024

Si VP Sara at ang kaniyang ‘Isang Kaibigan’


 Noong buwan ng Agosto nang tumatak sa publiko ang katagang “Isang Kaibigan” na pamagat ng aklat ni Vice President Sara Duterte matapos usisain ni Senador Risa Hontiveros sa pagdinig para sa 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP) kung tungkol saan ang aklat. Tinanong din ng senadora kung ilang kopya ng “Isang Kaibigan” ang bibilhin ng gobyerno sa halagang ₱10 milyon, at ipamamahagi sa publiko.

Ngunit bago sagutin ni Duterte kung tungkol saan ang libro, iginiit niyang pinupulitika umano ni Hontiveros ang budget hearing: “Ang problema niya kasi, nakalagay ‘yung pangalan ko doon sa libro, at 'yung libro na 'yan ibibigay namin doon sa mga bata. At 'yung mga bata na 'yan may mga magulang na boboto, at 'yung pangalan ko ay nagkalat doon sa kung saan man ibibigay 'yung libro.”

Binanggit na rin ng bise presidente sa naturang pagdinig ang nangyari umano noong eleksyon ng 2016 kung saan nagpatulong sa kaniya si Hontiveros upang manalo sa pagkasenador, ngunit nang mahalal na raw ito ay naging pinakauna pang umatake sa kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, ibinalik naman ni Senador Grace Poe, chairperson ng naturang pagdinig, ang usapin tungkol sa libro, at doon na sinagot ni Duterte na tungkol ito sa pagkakaibigan: “The explanation is in the title: ‘Isang Kaibigan.’ It’s about friendship.”

“Kung sana ganoon yung sagot noong simula pa... Nagkuwento pa ng kuwento na sinabi dati na walang kinalaman sa tanong ko. This is public funds and we are making inquiries. Budget hearing po ito. Hindi po lahat about you. Pera po ito ng taumbayan,” sagot naman ni Hontiveros kay Duterte.

No comments:

Post a Comment