Wednesday, December 11, 2024

Lito, nagsalita sa totoong relasyon nila ni LT

 

Tagos ang kilig kahapon sa thanksgiving presscon ni Sen. Lito Lapid and Chief Operating Officer of the Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Autho­rity (TIEZA) Chair Mark Lapid kahapon.

Ito ay dahil ayaw tantanan ang loveteam nina Sen. Lito and Lorna Tolentino na grabe nga ang epekto sa mga manonood ng FPJ’s Batang Quiapo na parang sila na talaga.

Lalo na sa mga eksenang may kissing scene pa sila ni Ms. LT.

Natatawa si Sen. Lapid. Pero inulit niya na wala talaga silang relasyon dahil may asawa siya na madalas nga raw siyang tinatanong tungkol dito.

Bukod sa kilig, aminado ang Senador na malaking karangalan sa kanya na tanggap pa rin ng mga tao na may ka-loveteam siya kahit lolo na siya at senior citizen.

“Sa showbiz, siguro ako na ang pinakamatandang may ka-loveteam. Mabuti tinatanggap pa ‘ko, eh lolo na ‘ko, eh. Senior citizen na, tinatanggap pa rin na may ka-loveteam ako. Isang karangalan ‘yan.

“Icon na nga ako pagkatapos ni Eddie Garcia, eh. Pagkatapos ni Eddie Garcia, ako na ang pinakamatandang action star, kung tutuusin, 70 na po tayo at tinatangkilik pa rin.

“Parang ang tingin ko, teenager pa kami, ‘yung PrimAnda (Primo and Amanda), ang lakas-lakas, laging pinag-uusapan. Nagpapasalamat din ako sa pamilya ko, naiintindihan nila ang trabaho ko,” sabi niyang natatawa kahapon.

At nagbiro pa siya : “Ang dami nang naghiwa-hiwalay diyan, pero ‘yung PrimAnda, matibay. Matibay ‘yung loveteam. Loveteam lang ha?”

Pero hanggang ganun nga lang daw kahit sinasabing madalas nitong da­lhan ng food from Pampanga at magkasama silang kumakain sa tent sa ta­ping ng Batang Quiapo ng magaling na actress. “Si Lorna, single siya. Pwede siyang mag-boyfriend, pwede siyang mag-asawa. Eh ako, hindi na ako pwede. ‘Yung sa amin, kiliti na lang bilang loveteam. Kasi nga, may asawa ako, nakatali ako.”

Common knowledge sa showbiz na hindi masyadong favor si Nay Lolit Solis sa nasabing loveteam nila: “Manay Lolit, huwag mo na ulitin ‘yon, ha?” pabirong sabi niya sa manager.

“Ang daming naniniwala sa ‘yo, eh. Pati si misis, naaapektuhan sa ‘yo, ‘ayaw sa ‘yo ni Manay Lolit, pinipilit mo sarili mo,’ sabi sa ‘kin. ‘Bakit, siya ba pakikisamahan ko?’ sabi ko,” apela ni Sen. Lito kay Nay Lolit.

Kaya naman talagang hagalpakan ang lahat.

Sabi nga raw ng misis ng aktor / pulitiko “gusto ko lang malaman n’yo ang exact words na sinabi ng nanay ko sa kanya – ‘kung kelan tumanda ‘yang tatay mo, saka lumandi do’n sa TV! Nagka-loveteam!’” rebelasyon ni Mark.

Kaya lang, tiyak made-depress ang fans nila dahil tatapusin muna ang PrimAnda loveteam dahil kakandidato ulit ang veteran actor / politician.

“Bawal na po kasi ang lumabas (sa TV or movie projects). Nasa batas po ‘yan ng Comelec (Commision on Election),” paliwanag pa ng senador sa Christmas get-together with the entertainment press na ginanap noong Tuesday.

“Ayaw namin talaga na mawala sa Batang Quiapo pero kailangang kailangan talaga dahil nasa batas po ‘yan, hindi na po pwedeng lumabas. Nakakalungkot man po pero kailangan, eh,” sabi pa niya.

No comments:

Post a Comment