Thursday, October 2, 2025

3 dating PS-DBM exec hugas-kamay sa Pharmally scandal


 Tatlong dating opisyal ng Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) ang naghain ng not guilty plea sa kasong graft kaugnay ng diumano’y overpriced na pagbili ng P4.4 bilyong halaga ng personal protective equipment at surgical face mask mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation noong pandemya.

Nanindigan sina Allan Raul Catalan, Dickson Panti at Gerelyn Francisco Vergara sa mga mahistrado ng Second Division ng Sandiganbayan na wala silang kasalanan sa mga ibinibintang sa kanila.

Ang ibang kapwa akusado na sina Warren Liong ng PS-DBM at mga opisyal ng Pharmally na sina Mohit Dargani at Linconn Ong, ay hindi naman nakapaghain ng plea dahil nireresolba pa ng Sandiganbayan ang kanilang apela na ibasura ang kasong graft laban sa kanila.

Nanindigan ang anti-graft court na base sa isinagawag pagsusuri sa kaso laban kina Liong, Dargani at Ong, malinaw na ang “Information is sufficient in form and substance.”

168K estudyante inekis sa mga SUC

 

Kinuwestiyon ng isang senador ang mahigit 168,000 mag-aaral na hindi nakapag-enroll sa mga State Universities at Colleges (SUC) dahil sa kanilang limitadong kapasidad.

“Para sa akin, hindi ito makatarungan. Gusto natin silang mag-aral. Pero kahit na pumasa sila sa entrance exam at kulang ng kapasidad ang ating mga SUC, hindi sila makapag-aral,” saad ni Senador Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance. Sinuri ng tanggapan ni Gatchalian ang datos na isinumite ng 62 sa 115 na mga SUC. Batay sa pagsusuri, lumalabas na 32 (52%) ang lagpas na sa kanilang kapasidad. Samantala, 11 (18%) naman sa mga 62 SUC na ito ang umabot na sa 100% ng kanilang kapasidad. Dahil dito, 168,493 na mga mag-aaral ang napagkaitan ng pagkakataong makapag-enroll bagama’t kuwalipikado na silang pumasok sa mga naturang SUC.

Kinalampag ng senador ang mga SUC na tutukan ang pagpapalawak sa kanilang mga academic capacity. Hinimok rin niya ang mga ito na isumite ang kanilang mga requirement para sa capital outlay na nakatuon sa mga silid-aralan at iba pang pangangaila¬ngang pang-akademiko. 


 Posibleng mahirapan si dating House Speaker Martin Romualdez na tanggihan ang imbitasyon ng Senado kaugnay ng pagdinig sa umano’y mga anomalya sa flood control projects, ayon kay House Deputy Speaker Ronaldo Puno.

“Well theoretically he can choose not to attend,” saad ni Puno sa panayam ni Karen Davila, dahil umano sa umiiral na interparliamentary courtesy.

Pero paliwanag niya, “The procedure there is that, as outlined by Senator Tito Sotto, they would course the request through the Speaker of the House who then relays it to the member.”

Gayunpaman, binigyang-diin ni Puno na magiging “masamang senyales” kung hindi sisipot si Romualdez sa imbitasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.

“I think with the way things are, it would be very difficult for ex-former Speaker Romualdez to not attend. It could be a very bad sign if he does not attend. I would imagine he would attend if he were invited,” dagdag pa ng Deputy Speaker.