Monday, September 29, 2025

Kongreso ang dapat managot vs mga isyu sa budget

 

Pinalagan ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang mga paratang na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang dapat sisihin sa maanomalyang kontrobersiya sa budget ay isang pagbaluktot na naayon sa batas at katotohanan
Para kay Goitia, ito ay “hindi lamang uri ng panlilinlang kundi hayagang kasinungalingan laban sa ating Konstitusyon.”

Ang Kongreso ang tunay na may kagagawan na nakalahad sa Konstitusyon.
“Malinaw ang sinasabi ng Konstitusyon,” diin ni Goitia. “Nasa Mababang Kapulungan nagsisimula at natatapos ang lahat ng appropriation bills. Ang Kongreso ang gumagawa, nagdedebate, at nagpapasa ng budget — kasama ang lahat ng insertions. Kung may anomalya, sila ang dapat unang managot. Ang pag pagsisi lahat sa Pangulo ay hindi lang mali, kundi insulto sa prinsipyo ng separation of powers.”

Sa isyu ng veto, iginiit nito na panangga ito laban sa mali, hindi espada para patayin ang buong budget. Hindi pwedeng gawing super-legislator ang Pangulo. Kung basta na lang i -veto ang bilyun-bilyong proyekto nang walang sapat na basehan.

Depensa pa ni Goitia sa pagbuo ng komisyon ay dahil may malinaw na kapangyarihan ang Pangulo sa ilalim ng Administrative Code na bumuo ng fact-finding bodies para imbestigahan at maglatag ng ebidensyang tatayo sa korte.

Chiz: Bakit ako lang?


 Kinuwestiyon ni Senador Francis “Chiz” Escudero kung bakit siya ang dinidikdik sa mga insertion at flood control scandal gayung si dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang utak ng lahat ng mga ito.

Sa isang privilege speech, sinabi ni Escudero na parang ginagawa siya at iba pang miyembro ng Senado bilang sacrificial lamb upang matakpan umano si Romualdez at ang mga miyembro ng Kamara de Representantes.

Aniya, siya umano ang sinisisi sa pagkabasura ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, ang pag-for later release ng mga proyekto ng mga kongresista, ang pagkakatanggal kay Rep. Zaldy Co sa bilang chair ng appropriations committee, at ang pagkabulilyaso ng maitim umano nilang balak sa 2025 national budget.

Umangal din si Escudero kung bakit siya lang umano ang iniimbestiga¬han ng Commission on Elections (Comelec) gayung marami namang kandidato noong 2022 elections ang nakakuha ng donasyon sa mga contractor.

“Ang tanong ko ay simple, kung legal at walang mali sa ginawa nila eh ‘di dapat legal din at tama ang ginawa ko. Pero bakit ako lang ang inimbestigahan tungkol dito?” himutok ni Escudero.

“Hindi ba sinabi ni Mayor Magalong na may 68 miyembro ng Kamara na ‘congtractor’. Ito po ay mga miyembro ng Kamara na may construction firm na nakakuha ng kontrata sa gobyerno. Kung bawal talaga ito, ibig sabihin ba niyan bawal na nilang gastusin ang sarili nilang pera para sa kanilang sariling kandidatura. Bakit hindi rin binubusisi iyon? Bakit hindi inaalam iyon? Ako lang talaga?” katuwiran pa niya.

Inakusahan din ni Escudero si Romualdez na siyang utak para ilihis ang atensiyon ng publiko laban sa mga kongresista na diumano’y nasa likod ng maanomalyang flood control projects.

Sinabi ni Escudero na panay ang banggit ng mga testigo ng mga pangalan ng senador kahit na klarong wala silang masabing direktang nakausap o binibigyan ng anuman.

Aniya, lahat ng ito, para lang ipako ang mga Senador sa media at sa publiko, at ilayo ang atensiyon sa Kamara at mga kongresista.

“Baket nga ba? Dahil, tila mas malaking isda ika nga, mas mataas, at mas kilala ang mga senador kumpara sa congressman, umaasa sila na maiibsan ang galit ng tao sa kanilang mga anomalya ukol sa flood control at tuluyan na silang makakatakas mula sa anumang pananagutan,” pahayag ni Escudero.

Aniya, iisang tao lamang ang nasa likod ng script at sarsuwelang ito at siya rin ang dahilan ng kaguluhan, pagkaaaway-away at pagkakawatak-watak na ngayo’y yumayanig sa bansa, ‘maprotekta¬han’ lamang ang sarili niya.

“Ang pangalan niya ay matagal nang bulung-bulungan sa bawat sulok ng ating bansa, pero ngayon, unti-unti na sinisigawan na ng taumbayan,” dagdag pa niya, sabay pakita ng video ng viral na awiting “Martin Magnanakaw”.

“Pero bakit tila ang Kamara, ang Senado at ang ilang media ay hindi pa rin kayang sambitin ang pangalan niya. Pwes, sasabihin ko ito para sa inyo: MAR-TIN-ROM-UAL-DEZ!” sambit ng dating Senate President.

Garma pinadadampot sa PCSO exec murder


 Ipinag-utos ng korte na arestuhin si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager at retired police colonel Royina Garma at apat pang iba kaugnay sa pagpatay kay PCSO board secretary Wesley Barayuga noong Hulyo 2020, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Sa press briefing sa Camp Crame, Quezon City, nitong Lunes, sinabi ni PNP spokesperson at information chief Brig. Gen. Randulf Tuaño na nag-isyu na ang Mandaluyong Regional Trial Court Branch 279 ng warrant of arrest, may petsang Setyembre 13, 2025 laban kina Garma, Lt. Col. Santie Mendoza, retired Police Col. Edilberto Leonardo, at mga dating pulis na sina Nelson Enriquez Mariano at Jeremy Causapin (alyas “Toks”) dahil sa kasong murder at frustrated murder. “Ang marching orders ng ating chief PNP, ang sabi niya justice for all, meaning ang kautusan niya po sa CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) at sa lahat ng miyembro ng Philippine National Police — implement all warrants of arrest regardless of the case,” wika ni Tuaño.

Binanggit pa ng opisyal na si Mendoza ay nasa floating status at nasa kustodiya ng Directorate for Personnel and Records Management-Personnel Holding and Accounting Unit.

Hindi naman malaman ng PNP ang kinaroronan ni Garcia at iba pang kapwa akusado. Matatandaan na binasura ng Estados Unidos ang kahilingan ni Garma sa political asylum at kamakailan lamang ay umuwi ng Pilipinas. Gayunman, agad naman itong nagbiyahe patungong Malaysia bilang turista.

Pumayag din umano si Garma na maging testigo ng prosekusyon laban kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kanyang administrasyon.