Ipinag-utos ng korte na arestuhin si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) general manager at retired police colonel Royina Garma at apat pang iba kaugnay sa pagpatay kay PCSO board secretary Wesley Barayuga noong Hulyo 2020, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Sa press briefing sa Camp Crame, Quezon City, nitong Lunes, sinabi ni PNP spokesperson at information chief Brig. Gen. Randulf Tuaño na nag-isyu na ang Mandaluyong Regional Trial Court Branch 279 ng warrant of arrest, may petsang Setyembre 13, 2025 laban kina Garma, Lt. Col. Santie Mendoza, retired Police Col. Edilberto Leonardo, at mga dating pulis na sina Nelson Enriquez Mariano at Jeremy Causapin (alyas “Toks”) dahil sa kasong murder at frustrated murder. “Ang marching orders ng ating chief PNP, ang sabi niya justice for all, meaning ang kautusan niya po sa CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) at sa lahat ng miyembro ng Philippine National Police — implement all warrants of arrest regardless of the case,” wika ni Tuaño.
Binanggit pa ng opisyal na si Mendoza ay nasa floating status at nasa kustodiya ng Directorate for Personnel and Records Management-Personnel Holding and Accounting Unit.
Hindi naman malaman ng PNP ang kinaroronan ni Garcia at iba pang kapwa akusado. Matatandaan na binasura ng Estados Unidos ang kahilingan ni Garma sa political asylum at kamakailan lamang ay umuwi ng Pilipinas. Gayunman, agad naman itong nagbiyahe patungong Malaysia bilang turista.
Pumayag din umano si Garma na maging testigo ng prosekusyon laban kay dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong giyera kontra droga ng kanyang administrasyon.

No comments:
Post a Comment