Friday, September 26, 2025

Nagbalik sa Pilipinas! Leila Barros dehins natakot kay ‘Opong’

 

BINALEWALA ng dating “darling of the crowd” at volleyball icon na si Leila Barros ang pagkakaroon ng matinding bagyo sa bansa upang makabalik sa Maynila at magsilbing panauhing pandangal sa nagpapatuloy na 2025 FIVB Men’s World Championship.

Dumating ang dating opposite hitter para sa pambansang koponan ng Brazil at ngayon ay isang senador sa bansa nila sa kalagitnaan ng paghampas ng bagyong Opong sa Pilipinas.Si Barros, na inaasahang manonood ng finals sa Setyembre 28, ay nakarating sa Maynila nitong Biyernes ng hapon matapos ang mga naging pagka-stranded ng kanyang grupo sa halos isang araw sa Doha, Qatar.

Kasama niyang dumating sina dating Brazilian national teammate Ricarda Lima, si Mireya Luis Hernandez ng Cuba na naging three-time Olympic gold medalist at ang asawa nitong si Humberto Rodriguez na dating Cuba sports minister.

Matatandaan na si Barros ay naging bukambibig at naging sikat sa mga Filipino fans noong 2000 FIVB Grand Prix.

Ikinatuwa naman ng 53-anyos na si Barros ang mainit na pagtanggap sa kanya kahit 25 taon na ang nakalilipas at sinabing patuloy niyang pinahahalagahan ang pagbibigay dito ng pagmamahal. (Lito Oredo)

48 kabataan dinakma sa Mendiola rally, laya na

 

Iniutos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagpapalaya sa 48 menor de edad na nasangkot sa kaguluhan sa rally noong Setyembre 21.

Ayon sa Manila Prosecutor’s Office, itinuturing na Children in Conflict with the Law (CICL) ang mga kabataan at isasaila­lim sa diversion program alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act of 2006 (RA 9344) na inamiyendahan ng RA 10630. Layunin ng batas na mailihis ang mga CICL mula sa pormal na paglilitis at mailagay sa community-based program na nakatuon sa restorative justice imbes na parusa.

Saksi sa paglaya ng mga kabataan sina Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Jay Dela Fuente at Ma. Victoria Diaz, OIC ng Child Rights Center ng Commission on Human Rights.

Bilang kapalit, puma­yag ang mga magulang na tumulong sa paglilinis ng Maynila at akuin ang pananagutan sa paggabay sa kanilang mga anak habang tinatapos ang programa.

“Lahat tayo ay galit sa nangyayari sa gobyerno, subalit dapat isaalang-­alang na may tumatakbong gobyerno, may karapatang pantao, at iyon ay patuloy nating igagalang,” ani ng alkalde.

123 pantalan paralisado sa sama ng panahon

 

Dahil sa pananalasa ng Bagyong Opong, naapek­tuhan ang operasyon ng 123 pantalan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Bilang resulta, abot sa 5,845 pasahero, kasama ang mga tsuper ng truck at cargo helper, ang hindi nakabiyahe sa kanilang mga destinasyon.

Naiulat din ang pagkaantala ng paglalayag ng mahigit 2,800 rolling cargo gayundin ang 110 barko at 53 motorbanca.

Bilang pag-iingat, mahigit 400 barko at 116 motorbancas ang pansa­mantalang ipinarada sa mas ligtas na lugar.

Kabilang sa mga rehiyong direktang apektado ng sama ng panahon ang National Capital Region (NCR), Southern Tagalog, Northern at Northwestern Luzon, Bicol, Eastern Visayas, Southern Visayas at Northeastern Mindanao.