Friday, September 26, 2025

17 pa kakasuhan ng DOJ: 3 senador, cong tagilid sa flood scam

 

Umaabot sa 21 indibiduwal na kinabibilangan ng tatlong senador at isang kongresista ang inirekomenda na kasuhan dahil sa pagkakasangkot sa maanomalyang flood control projects, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes.

Inilabas ng DOJ ang pangalan ng 21 indibiduwal na isasalang sa case build-up ng National Prosecution Service matapos irekomenda ng National Bureau of Investigation na kasuhan ang mga ito.

Kabilang sa listahan sina dating Senate President at Senador Francis “Chiz” Escudero, Senador Joel Villanueva, Senador Jinggoy Estrada, dating Senador Ramon Bong Revilla Jr., Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co na dating chairman ng House Committee on Appropriations at dating Caloocan City Rep. Mary Mitzi “Mitch” Lim Cajayon-Uy.

Kasama rin sa listahan sina dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo at ang binansagang “BGC Boys” na sina Engineer Henry Alcantara, Engineer Brice Ericson Hernandez, Engineer Jaypee Mendoza at Engineer Arjay Domasig.

Sabit din sina alyas “Beng Ramos”, Alyas “Mina”, Maynard Ngu, Carleen Villa, John Carlo Rivera, Linda “Victoria” Macanas, Juanito Mendoza, Sally Nicolas Santos, Jesse Mahusay at alyas “Andrei Balatbat”.

Ibinase ng DOJ ang kanilang rekomendasyon sa affidavit nina Alcantara, Hernandez, Mendoza at Bernardo.

“Their statements provided the basis for identifying these individuals as having sufficient preliminary links to the acts under investigation,” saad ng DOJ.

“Those named will be required to answer, under the rule of law, the serious allegations now standing against them,” dagdag ng ahensiya.

Ipinaliwanag naman ni DOJ spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na kaya hindi nakasama sa listahan si dating Senador at ngayon ay Makati City Mayor Nancy Binay ay dahil si Villa ang pinangalanan na tumanggap ng kickback.

“The line to Sen. Binay is still being built,” ani Clavano.

Hindi naman dumating sa DOJ ang testigo ni Senador Rodante Marcoleta na si Orly Guteza na tumestigo sa Senado noong Huwebes kung saan isiniwalat nito na si ACT-CIS Rep. Eric Yap ang nagdedeliber ng male-maletang cash sa tahanan nina dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Co.

Ang alegasyon ay itinanggi ni Romualdez at sinabing inimbento lamang ito para madawit siya sa flood control scandal.

Unli 4Ps namumuro

 

Upang masigurong magtuloy-tuloy ang tulong ng gobyerno sa mga ga-graduate na miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), pinag-aaralan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na amiyendahan ang 4Ps Act upang matugunan nang wasto ang sitwasyon ng mga benepisyaryo.

Sa kanyang pagsasalita sa kumustahan sa 4Ps beneficiaries sa MalacaƱang nitong Biyernes ng umaga. sinabi ng Pangulo na batid nito ang pangamba ng mga benepisyaryo na mapuputol na ang tulong mula sa gobyerno kapag sila ay graduate na sa programa.

Sinabi ng Pangulo na sisiguruhin niyang walang Pilipinong maiiwan sa kahirapan habang isinusulong ng kanyang administrasyon ang pagbabago at pag-unlad ng bansa.

“Batid ko ang pangamba ng mara¬ming pamilya na biglang matapos na lang ang suportang hatid ng 4Ps kayat pinag-aaralan natin ang pag-amiyenda sa 4Ps Act upang matugunan ng wasto ang sitwasyon ng ating mga benepisyaryo,” anang Pangulo.

Lacson ‘huhubaran’ testigo ni Marcoleta

 

Isasailalim ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson sa masusing record check and background investigation (RCBI) ang “surprise witness” na si Orly Regala Guteza dahil sa bigat ng kanyang testimonya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Huwebes.

Sabi ni Lacson, chairman ng komite, si Guteza, na nagsasabing dati siyang Marine at security consultant ni Rep. Elizaldy Co, ay iniharap sa komite nitong Huwebes nang walang abiso o paunang pabatid.Mas lumala ang usapin nang sabihin ng abogadong ang pangalan, pirma at notarial details na nakasaad sa sinumpa¬ang salaysay ni Guteza ay hindi siya ang nagnotaryo, lumagda o tumulong sa paghahanda ng dokumento.

“Without the courtesy of notice even to the committee chairman, a totally surprise witness in yesterday’s Blue Ribbon hearing, a complete record check and background investigation on Orly Regala Guteza is in order owing to the gravity and seriousness of his testimony yesterday,” sabi ni Lacson sa pinost sa X. Iniharap ni Senador Rodante Marcoleta si Guteza sa pagdinig noong Huwebes at sinabi niyang ipinakilala ito sa kanya ni dating Rep. Michael Defensor

Sa kanyang testimonya, sinabi ni Guteza na nagdala siya ng mga maleta ng pera na tinawag umanong “basura” sa mga bahay nina Co at dating Speaker Martin Romualdez. Itinanggi ni Romualdez ang paratang ni Guteza na idineliber ang mga pera sa bahay nito sa Forbes Park dahil mula noong Enero 2024, nire-renovate na ito at hanggang ngayon ay mga construction worker lamang ang makikita roon.

Samantala, sinabi ni Lacson na wala siyang nakikitang isyu kung dadalo si Co sa imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee hinggil sa korapsiyon sa likod ng mga maanomalyang flood control project.

Giit ni Lacson, maaaring kusang-loob na dumalo si Co, at idinagdag niyang ang inter-parliamentary courtesy ay hindi ibinibigay sa indibidwal na miyembro ng Kamara kundi sa institusyong kanilang kinakatawan. (Dindo Matining)