Thursday, September 25, 2025

National Disaster Response Plan aarangkada na


 Inatasan ng Malacañang ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na ipatupad ang 2024 National Disaster Response Plan (NDRP) na nagdedetalye ng mga komprehensibong estratehiya para mabawasan ang mga panganib at makapagsalba ng mga buhay at mabawasan ang epekto ng mga kalamidad.

Sa ilalim ng Memorandum Circular no. 100 na pinir¬mahan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Setyembre 23, 2025, inatasan ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na pangunahan ang implementasyon ng 2024 NDRP.

Layunin din ng NDRP na agad na aalayayan ang mga apektadong komunidad at maitatag ang epektibong disaster response at maagang recovery operations.

Nakapaloob sa Memorandum ang pangangailangan ng mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng Presidential Communications Office (PCO) at Office of Civil Defense (OCD) upang ipalaganap ang 2024 NDRP sa lahat ng mga kaukulang ahensiya at tanggapan. (Aileen Taliping)

‘Yap taga-deliver ng pera kina Co, Romualdez’


 Humarap sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes ang isang dating Marine at security aide ni Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co kung saan isiniwalat nitong kasama siya sa naghahatid ng kickback money kay dating House Speaker Martin Romualdez sa mansiyon nito sa Forbes Park na dating minamay-ari ng Duterte ally na si Michael Yang at sa Aguado Street sa Malacañang compound.

Ayon kay Orly Regalaa Guteza, sumasama siya sa pagdedeliber ni ACT-CIS Party-list Rep. Eric Yap ng pera sa bahay ni Rep. Co, dating chairman ng House Committee on Appropriations, at Romualdez.

Kinuha umano siya ni Co noon lamang Disyembre bilang security consultant. Araw-araw umano siyang nagre-report sa 56th floor ng Horizon Residences, Bonifacio Global City.

Nadestino umano siya sa pagdedeliber ng “basura”, termino nila sa maleta na may lamang pera. Bawat maleta ay naglalaman ng P40 hanggang P50 milyon.

Ang mga staff ni Co na sina John Paul Estrada at Mark Tecsay ang taga-bilang ng pera.

May isang pagkakataon na nagdeliber sila ng P2.3 bilyong cash.

“Si Congressman Eric Yap… apatnapu’t anim na maleta ang dala niya sa bahay ni Zaldy Co sa Valle Verde 6,” wika ni Guteza.

“Pagkatapos mabilang… isinasakay na namin sa mga sasakyan patungo sa Horizon Residences… Bago ibaba ang nasabing ‘basura’, ito ay bawas na… kung 46 maleta ang inakyat, 35 maleta lang ang ibababa para i-deliver sa mga bahay ni House Speaker Martin Romualdez sa 42 McKinley Street… Ang labing-isa maleta ay naiwan sa taas sa 56th floor.”

Si Guteza ay iniharap ni Senador Rodante Marcoleta bilang kanyang surprise witness. Si dating Quezon City Rep. Mike Defensor ang nagdala umano kay Guteza kay Marcoleta.

Mariin namang itinanggi ni Romualdez ang alegasyon ni Guteza.

“I was deeply surprised to hear the allegation raised against me today before the Senate Blue Ribbon Committee—that several pieces of luggage supposedly containing money were ever delivered to a residence associated with me,” ani Romualdez sa isang statement.

“The so-called testimony of Sen. Marcoleta’s witness is an outright and complete fabrication—nothing more than a desperate attempt to link me to supposed kickbacks where none exist. Pilit na pilit,” dagdag pa niya sa pagsasabing ang property sa McKinley ay under renovation mula pa noong Enero 2024 at tanging mga construction worker lamang ang tao roon.

Itinanggi naman ni Yap ang alegasyon na siya ay nagdala ng 46 suitcase ng pera kay Co at kay Romualdez.

“I categorically deny any involvement in the acts being alleged. I have never accepted, nor authorized, the delivery of money in connection with flood control projects. These claims are untrue,” diin pa niya. (Dindo Matining/Billy Begas)

Bersamin nginuso sa 15% kickback


 Umabot na sa Malacañang ang umano’y kickback sa mga proyekto ng gobyerno matapos akusahan si Executive Secretary Lucas Bersamin na nanghingi ng 15% komisyon sa P2.85 bilyong halaga ng infrastructure projects.

Sa ika-anim na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Huwebes, isiniwalat ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na si Department of Education (DepEd) Undersecretary Trygve Olaivar ay nanghihingi umano ng 15% komisyon sa mga proyekto para kay Bersamin.

Si Olaivar ay dating staff ni ex-Senador Ramon Bong Revilla Jr., dating Senador Edgardo Angara at Education Secretary Sonny Angara.

Sa kanyang sworn affidavit, ikinuwento ni Bernardo na una niyang nakausap si Olaivar noong 2010 sa opisina ni Revilla pero kalaunan ay nalaman nitong nalipat ito kay Sonny Angara sa Senado.

“Usec. Olaivar personally called me for a meeting to discuss ‘Unprogrammed Appropriations’ supposedly for the Office of the Executive Secretary. In the said meeting, he requested me to submit a list of projects,” wika ni Bernardo nang makausap niya si Olaivar noong 2024. “After the meeting, I asked Bulacan 1st DEO to prepare a list of projects for funding. Thereafter, Engr. Alcantara submitted a list of projects worth P2.85 billion,” dagdag pa niya.

Noong isinumite ni Olaivar ang listahan, sinabi umano nitong: “Boss, kinse ‘yan.”

“Thereafter, the DPWH received a Special Allotment Release Order (SARO) for P2.85 billion for the projects,” paglalahad ni Bernardo.

Isinangkot din ni Bernardo sina Senador Francis “Chiz” Escudero, at mga dating Senador Ramon “Bong” Revilla” Jr., Nancy Binay at Sonny Angara sa suhulan sa flood control project.

Ayon kay Bernardo, personal siyang nag-deliver ng P160 milyon sa isang “Maynard Ngu” na para diumano kay Escudero. Aniya, si Ngu ay malapit na kaibigan at campaign contributor umano ni Escudero.

Aniya, P125 milyon naman ang dineliber ni dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara sa bahay ni Revilla sa Cavite bilang 25% porsiyento ng dating senador.

Noong 2024 naman, tumawag sa kanya si Carleen Villa, staff at trusted confidant ni Binay at humirit ng commitment na 15% na kabuuang halaga ng proyekto na kanya namang inutos kay Alcantara.

Mariin namang itinanggi ni Bersamin ang alegasyon ni Bernardo na nanghingi siya ng komisyon sa mga proyekto ng DPWH.

“I deny the imputation contained in the sworn statement of DPWH Undersecretary Bernardo submitted to the Senate Blue Ribbon Committee about the delivery of an ‘agreed 15 percent commitment’ supposedly for the Office of the Executive Secretary,” ani Bersamin sa isang statement. “In the first place, the OES has no involvement in any way with budgetary allocations relevant to the DPWH.”

Itinanggi rin nina Escudero at Binay ang alegasyon ni Bernardo.

“I vehemently deny the malicious allegations and innuendos made by former DPWH Usec. Roberto Bernardo in today’s Senate Blue Ribbon Committee. By his own admission, he never had any contact with me directly regarding this matter—and I will prove that he is lying about my alleged involvement,” pahayag ni Escudero.

Paniwala niya, tila isa itong “well-orchestrated plan” para atakihin ang Senado at miyembro nito, wasakin at siraan ang institusyon at para ilihis ang atensiyon ng publiko sa mga tunay na salarin.

“Nagugulat at nalulungkot ako na dinadamay ako sa mga anomalya ng DPWH. Walang katotohanan ang mga bintang sa akin,” pahayag naman ni Binay sa isang statement.

“Tahimik po tayong nagtatrabaho bilang Mayor ng Makati. Nakakagulat na nagagamit tayo para ipanglihis sa mga tunay na kailangan panagutin sa issue na ito,” dagdag niya.

Nauna nang itinanggi nina Revilla at Co ang pagkakasangkot sa suhulan sa flood control project. ¬(Dindo Matining/Alieen Taliping)