Wednesday, September 24, 2025

Eala hahataw ng quarterfinals spot sa China

 

 Puntirya ni Alex Eala na maipagpatuloy ang magandang ratsada nito kung saan pakay nitong masikwat ang silya sa quarterfinals ng Jingshan Open ngayong araw sa China.

Nakatakdang sagupain ni Eala sa Round of 16 si Mei Yamaguchi ng Japan.

Maganda ang simula ni Eala na nagtala ng 6-3, 7-5 panalo laban kay Aliona Falei ng Belarus sa ope­ning round noong Martes.

Sa kabilang banda, nanaig naman si Yamaguchi kontra kay Hong Yi Cody Wong ng Hong Kong sa hiwalay na first round match para masiguro ang pag-entra sa Round of 16.

Paborito si Eala na ma­nalo kontra kay Yamaguchi na may mas mababang puwesto sa ranking.

Kung mananalo ito kay Yamaguchi, makakatipan nito sa quarterfinals ang mananalo sa pagitan nina Riya Bhatia ng India at Lu Jiajing ng China.

Sa kabila ng pagpasok sa second round ng Jingshan Open, gumalaw na naman ang puwesto ni Eala na nahulog sa No. 57 puwesto sa WTA live ran­kings — mula sa kanyang dating posisyon na 56th.

Gayunpaman, mataas ang moral ni Eala na hawak ang top seeding sa naturang 125 WTA tournament na may nakalaang $15,500 para sa magka­kampeon kasama pa ang 125 puntos para sa ran­kings. Target ni Eala na masungkit ang ikalawang WTA title sa taong ito ma­tapos pagreynahan ang Guadalajara Open sa Mexico.

Maliban sa Jingshan Open, nakalinya pa ang ilang WTA tournaments para mas lalo pang mapataas ang puwetso nito sa world rankings.

Special ministry binuo para sa taong lansangan

 

Isang special ministry ang itinatag ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula para sa mga street dwellers o mga taong naninirahan sa lansangan.

Nabatid na sa isang decree na inisyu noong Setyembre 15, inanunsiyo ni Advincula ang paglikha ng “Ministry with Persons in Street Dwelling Situations,” para sa mga taong lansangan na inilarawan niya bilang “silently suffering Lazarus” sa ating panahon, na dapat na bigyan ng puwang sa Simbahan at Lipunan.

Si Fr. Francisco Nicolas Magnaye Jr., CM. ang itinalaga ni Advincula upang mamuno sa bagong tanggapan, na mag-o-operate sa ilalim ng Commission on the Service of Charity ng Archdiocese of Manila. Aniya, ang ministry ay magpopokus sa paglikha ng isang multi-sectoral support system upang matugunan ang pangangailangan ng mga street dwellers.

Kabilang umano sa mga suportang ipagkakaloob sa mga street dwellers ay pagkain, crisis intervention, psychosocial services, edukasyon, healthcare, skills training, livelihood training, at maging legal services. Isusulong din ng ministry ang research, advocacy, at formation ng youth advocates. Ani Advincula, ang layunin nila ay hindi lamang makapagbigay ng tulong, kundi makabuo rin ng empowered communities na malayo mula sa pamumuhay sa lansangan.


PNP handa sa disaster response sa bagyong Opong – Nartatez

 

Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nitong Miyerkules na nakahanda na ang kapulisan para tumulong sa disaster response measures kasunod ng pananalanta ng super typhoon “Nando” at sa kasalukuyang pananalasa ng bagyong “Opong”.

Sa isang pahayag, sinabi ni Nartatez na inalerto na niya ang lahat ng police units sa mga lugar na posibleng maapektuhan ni “Opong” kabilang ang Bicol Region, Southern Luzon at ­ilang bahagi ng Visayas, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na tiyakin ang kaligtasan ng publiko.

“I have already directed the RDs (regional directors) in areas affected by super typhoon “Nando” to assist in the post-disaster assessment and response in order and make all resources available to assist the communities severely affected,” ani Nartatez.

“I also instructed all our commanders in the southern part of Luzon and the Visayas to prepare for “Opong” in coordination with the local government units (LGUs) and other local authorities,” dagdag niya.