Tuesday, September 23, 2025

FIVB Worlds tagumpay! — Azevedo

 

Idineklara ni FIVB president Fabio Azevedo na tagumpay ang hosting ng Pilipinas ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship.

Kasalukuyang nasa knockout stage na ang FIVB Worlds na ginaganap ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Masaya si Azevedo na masaksihan ang Filipino culture na angat na angat sa pagdaraos ng FIVB Worlds sa Pilipinas.

Hanga rin si Azevedo sa mainit na pagtanggap ng mga Pinoy fans sa mga international players na naglalaro sa torneo.

“Filipinos love our sport. They are so warmly welco­ming to everyone who comes to the country,” ani Azevedo.

Hindi lamang ang Alas Pilipinas ang sinusuportahan ng mga Pilipino maging ang ibang teams na kasali sa torneo.

Kaya naman at home ang karamihan sa mga players na tunay na tumatanggap ng Filipino hospitality sa buong panahon ng kanilang pananatili sa Pilipinas.

“I can assure you that every athlete and their entourage is here to perform at the world championships, and they are extremely happy to be here,” dagdag ng FIVB chief.

Ganito rin ang pananaw ni Philippine National Volleyball Federation at Asian Volleyball Confederation President Ramon “Tats” Suzara na nanawagan na patuloy na suportahan ang event.

Wala na ang Alas Pilipinas matapos mabigong makapasok sa knockout stage. Subalit patuloy pa rin ang hiyawan ng mga fans para sa mga natitirang teams partikular na ang crowd-favorite USA.

Hindi pa man tapos ang torneo, maituturing na tagumpay na ang pagdaraos nito sa Pilipinas.

Tropang 5G nagpalakas, Hill hinugot

 

 Patuloy ang pagpapa­lakas ng Talk ‘N Text Tropang 5G para sa misyong mapagharian ang Philippine Cup sa PBA Season 50 matapos madiskaril noong nakaraang season.

Sinikwat ng TNT sa free agency ang high-flying forward na si Tyrus Hill mula sa Blackwater para idagdag sa pambato nitong roster na nagwagi ng 2 titulo sa Season 49.

Produkto ng La Salle ang 6-foot-5 forward na si Hill at siyang No. 7 pick ng NLEX noong PBA Season 47 draft bago ma-trade sa Converge.

Hindi nagtagal sa FiberXers si Hill nang malipat ulit noong 2023 sa Bossing kung saan siya naglaro hanggang sa Season 49 bago pakawalan ng koponan sa free agency pagkatapos ng Philippine Cup.

Pumirma na ng one-year contract si Hill kasama ang agent na si Marvin Espiritu at TNT team manager na si Jojo Lastimosa.

Si Hill ang ikalawang free agency pick-up ng TNT matapos ding sikwatin ang serbisyo ni UST shooter Kevin Ferrer na pinakawalan din ng Terrafirma.

Nakatakdang magbukas ang PBA Season 50 sa Oktubre 5.  

PNP tiniyak airtight cases vs rioters sa Maynila


 Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief Lt.Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na kakasuhan  ang mga rioter na nanggulo at naaresto nitong Linggo sa gitna ng mga protesta.

Ang paniniyak ay ginawa ni Nartatez kasabay ng pahayag na mahaharap sa airtight cases ang mga sangkot at maging ang mga nasa likod ng  gulo na ikinasugat ng halos 100 pulis.

Sinabi ni Nartatez na nagsisimula nang manga­lap ng ebidensiya ang mga imbestigador kabilang ang  interrogation sa mga naarestong suspek hanggang sa pagsusuri sa kanilang mga post sa social media para magamit sa pagsasampa ng kaso.

“The investigation is ongoing and part of this is gathering strong pieces of evidence to ensure airtight cases. Let us allow our investigators to focus on their job,” ani Nartatez.

Ipinakalat sa mga kilos-protesta noong Linggo ang mga pulis na magpatupad ng maximum tolerance hanggang nanggulo ang grupo ng mga kalalakihang naka-maskara sa Ayala Bridge at sa Mendiola noong gabi.

Nasa 95 PNP personnel ang nasugatan, at tatlo sa mga ito ang nagtamo ng serious injuries na kinailangan ng atensyong medikal.

“The attacks on our personnel on the ground were captured in videos and photos. Hindi ito police brutality na gaya ng gustong palabasin ng iba, ito ay maliwanag na kaso ng brutality sa ating mga kapulisan at hindi natin palalampasin ito,” dagdag pa ni Nartatez.

Nasa 216 indibidiwal ang naaresto, na binubuo ng 127 adults at 89 menor-de-edad.