Patuloy ang pagpapalakas ng Talk ‘N Text Tropang 5G para sa misyong mapagharian ang Philippine Cup sa PBA Season 50 matapos madiskaril noong nakaraang season.
Sinikwat ng TNT sa free agency ang high-flying forward na si Tyrus Hill mula sa Blackwater para idagdag sa pambato nitong roster na nagwagi ng 2 titulo sa Season 49.
Produkto ng La Salle ang 6-foot-5 forward na si Hill at siyang No. 7 pick ng NLEX noong PBA Season 47 draft bago ma-trade sa Converge.
Hindi nagtagal sa FiberXers si Hill nang malipat ulit noong 2023 sa Bossing kung saan siya naglaro hanggang sa Season 49 bago pakawalan ng koponan sa free agency pagkatapos ng Philippine Cup.
Pumirma na ng one-year contract si Hill kasama ang agent na si Marvin Espiritu at TNT team manager na si Jojo Lastimosa.
Si Hill ang ikalawang free agency pick-up ng TNT matapos ding sikwatin ang serbisyo ni UST shooter Kevin Ferrer na pinakawalan din ng Terrafirma.
Nakatakdang magbukas ang PBA Season 50 sa Oktubre 5.

No comments:
Post a Comment