Tuesday, September 23, 2025

Alcantara sumalang sa ‘Witness’ evaluation ng DOJ


 Sumalang na sa inisyal na ebalwasyon para sa Witness Protection Program ng Department of Justice si dating DPWH Bulacan district engineer Henry Alcantara nitong Martes.

Ito’y kasunod ng kahilingan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na dalhin sa DOJ si Alcantara kasunod ng mabibigat na testimonya at pagbubunyag niya sa Senate Blue Ribbon Committee sa flood control projects, kabilang ang pag-amin niya na amo niya si dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo at mga pagbibigay ng mga komisyon mula sa mga flood control projects sa mga kampo nina Senators Jinggoy Estrada, Joel Villanueva, dating Senador Bong Revilla, Ako Bicol Rep. Zaldy Co, at dating Caloocan rep. Mitch Cajayon.

May mga dokumento at affidavit na nilagdaan si Alcantara sa DOJ, kasama ang kaniyang abugado, bagama’t hindi na idinetalye ang kaganapan sa pag-uusap ni Alcantara kay Remulla at sa WPP.

“Due to the gravity of the allegations in the affidavit and it being a sworn statement, I believe this will be very helpful to the DOJ and the Witness Protection Program in trying to file a case as soon as possible,” ani Remulla.

Kasabay nito, sinabi ng DOJ na nagsumite na sila ng mga dokumento sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) para i-freeze ang bank accounts ni Alcantara.

Brice: Lahat ng DPWH projects sa Bulacan, ‘substandard’

 

 Inamin ni dating Bulacan 1st assistant district engineer Brice Hernandez nitong Martes na substandard ang lahat ng proyekto ng Department of Public Works and Highways sa kanilang engineering office sa Bulacan, na kinabibilangan ng flood control projects.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee, sinabi ni Hernandez na ang lahat ng infrastructure projects ng kanilang tanggapan mula noong 2019 ay hindi nakakatugon sa “required standards” dahil sa kanilang obligasyon sa mga proponent ng proyekto.

“Hindi po name-meet ‘yung eksaktong nasa plano, your Honor,” sabi ni Hernandez.

Sinabi ng dating engineer ng DPWH na kasama sa mga proyektong ito ang mga flood control structures, gusali, kalsada, at maging ang mga silid-aralan.

“So may plano ang DPWH, merong budget ‘yan, pero dahil ang budget pinaghahati-hati ninyo, sa dulo, walang project na maayos na dumaan sa inyo—’yan ang testimony mo ngayon,” pahayag ni Sen. Bam Aquino.

Sinabi ni Hernandez na nagsimula ang lahat ng kanilang substandard na proyekto nang dumating si dating Bulacan first district engineer Henry Alcantara noong 2019 hanggang sa kasalukuyan.

“Wala pong tumama kung anong naka-specify sa plano. Hindi po na-meet lahat ‘yun. Lahat po [may porsyentuhan],” ani Hernandez.


ICC nagsampa ng 3 kasong murder vs Duterte


 Sinampahan si dating pangulong Rodrigo Duterte ng tatlong “crimes against humanity” dahil sa umano’y naging papel nito sa pagpatay ng hindi bababa sa 76 katao sa panahon na ipinatutupad ang tinatawag na “giyera laban sa droga.”

Ang kaso laban sa 80-taong gulang na dating lider na nakakulong sa isang detention facility sa Netherlands ay nakapaloob sa isang dokumento na inilathala ng ICC noong Lunes. Matatandaan na isinuko ng gobyerno ng Pilipinas si Duterte sa ICC noong Marso.

Binanggit sa ­dokumento ang nangya­ring anti-war crackdown na pinangunahan ni Duterte noong siya pa ang presidente na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong pinaghihina­laang dealers at users ng ilegal na droga.

Ang dokumento ay nilagdaan ng deputy prosecutor ng korte na si Mame Madiaye Niang na naglalahad kung ano ang nakikita ng mga prosecutors na criminal responsibility ni Duterte sa napakaraming namatay sa pagitan ng 2013 at 2018.

Binanggit sa ­dokumento ang nangya­ring anti-war crackdown na pinangunahan ni Duterte noong siya pa ang presidente na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong pinaghihina­laang dealers at users ng ilegal na droga.

Ang dokumento ay nilagdaan ng deputy prosecutor ng korte na si Mame Madiaye Niang na naglalahad kung ano ang nakikita ng mga prosecutors na criminal responsibility ni Duterte sa napakaraming namatay sa pagitan ng 2013 at 2018.