Tuesday, September 23, 2025

Brice: Lahat ng DPWH projects sa Bulacan, ‘substandard’

 

 Inamin ni dating Bulacan 1st assistant district engineer Brice Hernandez nitong Martes na substandard ang lahat ng proyekto ng Department of Public Works and Highways sa kanilang engineering office sa Bulacan, na kinabibilangan ng flood control projects.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee, sinabi ni Hernandez na ang lahat ng infrastructure projects ng kanilang tanggapan mula noong 2019 ay hindi nakakatugon sa “required standards” dahil sa kanilang obligasyon sa mga proponent ng proyekto.

“Hindi po name-meet ‘yung eksaktong nasa plano, your Honor,” sabi ni Hernandez.

Sinabi ng dating engineer ng DPWH na kasama sa mga proyektong ito ang mga flood control structures, gusali, kalsada, at maging ang mga silid-aralan.

“So may plano ang DPWH, merong budget ‘yan, pero dahil ang budget pinaghahati-hati ninyo, sa dulo, walang project na maayos na dumaan sa inyo—’yan ang testimony mo ngayon,” pahayag ni Sen. Bam Aquino.

Sinabi ni Hernandez na nagsimula ang lahat ng kanilang substandard na proyekto nang dumating si dating Bulacan first district engineer Henry Alcantara noong 2019 hanggang sa kasalukuyan.

“Wala pong tumama kung anong naka-specify sa plano. Hindi po na-meet lahat ‘yun. Lahat po [may porsyentuhan],” ani Hernandez.


ICC nagsampa ng 3 kasong murder vs Duterte


 Sinampahan si dating pangulong Rodrigo Duterte ng tatlong “crimes against humanity” dahil sa umano’y naging papel nito sa pagpatay ng hindi bababa sa 76 katao sa panahon na ipinatutupad ang tinatawag na “giyera laban sa droga.”

Ang kaso laban sa 80-taong gulang na dating lider na nakakulong sa isang detention facility sa Netherlands ay nakapaloob sa isang dokumento na inilathala ng ICC noong Lunes. Matatandaan na isinuko ng gobyerno ng Pilipinas si Duterte sa ICC noong Marso.

Binanggit sa ­dokumento ang nangya­ring anti-war crackdown na pinangunahan ni Duterte noong siya pa ang presidente na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong pinaghihina­laang dealers at users ng ilegal na droga.

Ang dokumento ay nilagdaan ng deputy prosecutor ng korte na si Mame Madiaye Niang na naglalahad kung ano ang nakikita ng mga prosecutors na criminal responsibility ni Duterte sa napakaraming namatay sa pagitan ng 2013 at 2018.

Binanggit sa ­dokumento ang nangya­ring anti-war crackdown na pinangunahan ni Duterte noong siya pa ang presidente na nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong pinaghihina­laang dealers at users ng ilegal na droga.

Ang dokumento ay nilagdaan ng deputy prosecutor ng korte na si Mame Madiaye Niang na naglalahad kung ano ang nakikita ng mga prosecutors na criminal responsibility ni Duterte sa napakaraming namatay sa pagitan ng 2013 at 2018.

Alcantara kumanta na sa flood control scam!

 

Pinangalanan ni dating Bulacan first district engineer Henry Alcantara sa Senado nitong Martes sina Sens. Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, dating Sen. Bong Revilla, Ako Bicol party­list Rep. Zaldy Co, dating Caloocan representative Mitch Cajayon at DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na nakinabang umano sa flood control projects.

Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee, sinabi ni Alcantara na si Bernardo ang tumulong sa kanya para maitalagang district engineer ng Bulacan noong 2019.

Taong 2022 nagsimulang magbaba ng pondo sa kanya si Bernardo na may kabuuang P350 milyon na ang kasunduan ay bibigyan ng 25% ang proponent o mambabatas na nagsulong ng proyekto.

Noong 2023, ibinun­yag ni Alcantara na P710 milyon ang kabuuan ng mga proyektong naibaba ni Bernardo sa kanyang tanggapan. Noong 2024, P3.5 bilyon (P150 milyon sa NEP, P300 milyon sa GAA, P2.85-B UA o unprogrammed appropriations) ang naibaba ni Bernardo sa kanyang DEO.

Noong 2024, nagkaroon ng malaking alokasyon ng pondo si Bernardo sa kanyang DEO para sa unprogrammed appropriations na P2.850 bilyon.

“Dito ay nagkaroon ng pagbabago sa porsiyento ng proponent na ngayon ay umabot na sa 30% kapag flood control at 25% kapag ibang klaseng proyekto, na siya ko ding ibibigay kay Usec. Bernardo sa pamamagitan ng aking driver,” sabi pa ni Alcantara.

Samantala, sa taong 2025, sinabi ni Alcantara na may P2.55 bil­yon (P1.650-B sa NEP, ­P900-M sa GAA) ang naibaba ni Bernardo sa kanyang district office. 

Sinabi umano sa ­kanya ni Bernardo na sa GAA noong 2024, ang insertions na nagkakahalaga ng P300 milyon ay para kay Senator Revilla.

Noon namang 2020 ay humiling si Villanueva ng proyektong multi-purpose building na halagang P1.6 bilyon pero P600 milyon lang ang napagbigyan na pondo.

“Hindi ito ikinatuwa ni Sen. Joel kaya napilitan kami gumawa ng paraan ni Usec Bernardo,” ani Alcantara.

Ayaw aniya ni ­Villanueva ng flood control project kaya hindi na lamang nila ipinaalam sa kanila ang proyekto.

“Hindi humingi ng…porsyento si Sen. Joel pero iniutos ni Usec Bernardo na bigyan na lamang ng proyekto na may katumbas na P150 milyon.

“Ang halagang ­P150-M ay dinala ko sa isang resthouse sa Brgy. Igulot, Bocaue, Bulacan na iniwan ko po sa tao nya na si “Peng”. Sinabi ko kay Peng na pakibigay nalang kay Boss (Sen. Joel), tulong lamang iyon para sa future na plano niya. Pero hindi po nila alam na doon galing iyon sa flood control,” ani ­Alcantara.

Noong 2024, naglaan ng P355 milyon pondo si Sen. Jinggoy Estrada na inilagay ni Alcantara sa iba’t ibang pumping station at flood control projects sa Bulacan. Ni­linaw ni Alcantara na wala siyang direktang ugnayan kay Estrada.

Noong Agosto o Set­yembre 2021 niya nakilala si Cong. Elizaldy Co sa isang meeting sa Shangri-La, BGC, Taguig.

Ayon kay Alcantara, mula 2022 hanggang 2025 ay nakapagtaguyod si Co ng 426 proyekto na hindi bababa sa P35.024 bilyon.

Noon namang 2022 ay nakapagbaba sa Bulacan ng halagang P411 milyong proyekto mula sa GAA si Rep. Mary Mitzi Cajayon-Uy.

Binanggit din ni Alcantara na 2022 ay humingi sa kanya si Commission on Audit Commissioner Mario Lipana ng listahan ng mga flood control projects sa Bulacan.

May kabuuang P1.4 bilyong halaga ng ­proyekto aniya ang naipasok ni Lipana na ang misis ay isang contractor.