Monday, September 22, 2025

216 rioters na naaresto kakasuhan ng sedition


 Nakatakdang sampahan ng kasong sedition ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang nasa 216 rioters na naaresto ng Manila Police District (MPD) matapos na manggulo, manakit ng mga pulis at manunog ng trailer truck sa pagsasagawa ng  September protest sa  Mendiola at Ayala Bridge sa Maynila.

Ito naman ang inanunsiyo ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno”Domagoso matapos na makita ang danyos sa mga government property ng mga 216 rioters na kinabibilangan ng 127 adults at 89 na minors. Ani Domagoso, kaila­ngang managot ang mga ito dahil sa pamemerwisyong kanilang ginawa sa mga mamamayan ng lungsod.

“May sinira sila, pi­nerwisyo nila ang pri­bado at nananahimik na komunidad, pananagutan nila. Managot sila sa mga ginawa nilang bagay,” anang alkalde.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa ulat na ilang rioters ang binayaran upang sadyaing manggulo sa lungsod. May mga napabalita  aniyang mga instigator o nagplano na magbigay ng pera o funding sa ilang mga indibidwal na nanggulo. Ipinauubaya na ni Domagoso sa MPD ang  imbestigasyon.

Samantala, du­magsa naman sa MPD Headquarters ang mga magulang ng mga inaresto. Ayon sa pahayag ng ilang mga magulang, sumama lamang ang kanyang anak na kambal dahil sa barkada. Posible aniyang hindi alam ng kanyang mga anak ang pupuntahan.

Hinikayat  na lamang ni Domagoso ang mga  magulang ng mga kabataan na kaagad na makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga pulis upang ituro kung sino ang taong nasa likod ng naturang kaguluhan.

“Sa mga magulang ng mga suspek, kung ako sa inyo, kausapin niyo na ang mga anak ninyo at tulungan ang mga pulis na ituro na kung sino ang mga tao behind this. [Kung hindi], kayo lang ang babalikat sa problemang binigay ninyo sa Maynila na inyong pananagutan sa batas,” babala pa ng alkalde.

Dagdag pa ng alkalde na makikita ang pagkakaiba ng mga lehitimong raliyista at mga nagnanais na  manggulo . “All of the sudden, from Cavite, Taguig, Pasay, ParaƱaque, ­Quezon City, Caloocan, na mga kabataan, ito yung mga nanggulo na noong gabi,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi naman ni  MPD Spokesperson PMajor. Philip Ines na nananatili silang alerto  kasunod nang naganap na magulong rally sa ilang lugar sa Maynila nitong Linggo, na sinasabing posibleng isinagawa ng isang grupo ng ‘hip-hop gangsters’.

Super Typhoon Nando nanalasa sa Northern Luzon


 Nanalasa sa Northern Luzon ang Super Typhoon Nando kung saan hinagupit nito ang Panuitan Islands sa Cagayan matapos mag-landfall alas-3 ng hapon kahapon.

Sa 5 pm advisory ng PAGASA, nakataas pa rin ang Signal No. 5 sa Babuyan Islands.

Bitbit ni Nando ang lakas ng hangin na 215 kilometers per hour (kph) at bugso na 295 kph.

Si ST Nando ay kumikilos pakanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras na dumaan sa Babuyan Islands.

Bagamat hindi apektado ng malakas na hampas ng hangin ang Metro Manila at Central Luzon, patuloy na makakaranas ang mga lugar na ito ng malakas na gale-force winds dahil sa trough ng bagyong Nando at habagat.

Lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) si Nando, Lunes ng gabi o ngayong Martes ng umaga.

Chavit Singson namumuro sa inciting to sedition - Castro


 Pinaiimbestigahan ng Malakanyang sa Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at Department of Justice (DOJ) ang mga pahayag ni Chavit Singson na inaakit ang mga kabataan na huwag pumasok sa eskwela at dumalo sa mga rally.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, sa pahayag ni Chavit sa kanyang press conference sa San Juan, inakit niya ang mga kabataan lalo na ang mga high school students, college students na karamihan ay mga menor de edad na huwag pumasok sa paaralan hanggang hindi bumababa ang mga taong gusto nilang pababain.

Sinabi din umano ni Chavit na hayaan ng mga magulang ang mga batang ito na tumayo para sa isang rebolusyon para sa korapsyon.

Giit ni Castro, dapat itong imbestigahan para malaman kung maaaring kasuhan ng inciting sedition.