Monday, September 22, 2025

Super Typhoon Nando nanalasa sa Northern Luzon


 Nanalasa sa Northern Luzon ang Super Typhoon Nando kung saan hinagupit nito ang Panuitan Islands sa Cagayan matapos mag-landfall alas-3 ng hapon kahapon.

Sa 5 pm advisory ng PAGASA, nakataas pa rin ang Signal No. 5 sa Babuyan Islands.

Bitbit ni Nando ang lakas ng hangin na 215 kilometers per hour (kph) at bugso na 295 kph.

Si ST Nando ay kumikilos pakanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras na dumaan sa Babuyan Islands.

Bagamat hindi apektado ng malakas na hampas ng hangin ang Metro Manila at Central Luzon, patuloy na makakaranas ang mga lugar na ito ng malakas na gale-force winds dahil sa trough ng bagyong Nando at habagat.

Lalabas ng Philippine area of responsibility (PAR) si Nando, Lunes ng gabi o ngayong Martes ng umaga.

Chavit Singson namumuro sa inciting to sedition - Castro


 Pinaiimbestigahan ng Malakanyang sa Department of Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP) at Department of Justice (DOJ) ang mga pahayag ni Chavit Singson na inaakit ang mga kabataan na huwag pumasok sa eskwela at dumalo sa mga rally.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, sa pahayag ni Chavit sa kanyang press conference sa San Juan, inakit niya ang mga kabataan lalo na ang mga high school students, college students na karamihan ay mga menor de edad na huwag pumasok sa paaralan hanggang hindi bumababa ang mga taong gusto nilang pababain.

Sinabi din umano ni Chavit na hayaan ng mga magulang ang mga batang ito na tumayo para sa isang rebolusyon para sa korapsyon.

Giit ni Castro, dapat itong imbestigahan para malaman kung maaaring kasuhan ng inciting sedition. 


Legal at Iligal, huwag paghaluin sa online gambling issue – CitizenWatch


 Iginiit ng grupong pangkonsyumer na CitizenWatch Philippines na hindi dapat ipagkamali at ituring na pareho ang licensed and regulated online gaming platforms sa mga iligal na operasyon ng mga sindikato ng online gambling.

Ayon kay Orlando Oxales, convenor ng CitizenWatch, magkaibang-magkaiba ang intensyon at epekto ng licensed gaming platforms kumpara sa iligal na operasyon.

Aniya, ang una ay sumusunod sa batas, nagbibigay ng proteksyon sa manlalaro, at nag-aambag ng kita sa ekonomiya, habang ang pangalawa aniya’y walang oversight, nagbubukas ng pinto sa scam at exploitation, at nagdudulot ng labis na panganib sa bansa at publiko.

“Kapag licensed and regulated ang isang gaming platform, may kasamang safeguards ‘yan na pumuprotekta sa manlalaro at sa ekonomiya. Hindi ito maihahalintulad sa mga sindikatong iligal na kumikilos nang walang accountability,” paliwanag ni Oxales.

Dagdag pa niya, mahigpit na ipinatutupad ng licensed operators ang Know Your Customer o KYC kung saan masusing kinikilala ang players para maiwasan ang identity theft at money laundering. Nariyan din aniya ang anti-money laundering measures para masawata ang paggamit ng platforms sa iligal na daloy ng pera.

Bahagi rin ng regulasyon aniya ang responsible gaming tools gaya ng deposit limits at self-exclusion options upang hindi mapahamak ang manlalaro at ang mahigpit na data protection para siguraduhing ligtas ang personal na impormasyon at pondo ng manlalaro.

Sa datos ng Pagcor, nasa 250 hanggang 300 illegal offshore gambling firms ang patuloy na nag-o-operate sa bansa na mas marami pa kaysa sa mga ­lisensyadong kumpanya.