Sunday, September 21, 2025

Obiena kampeon sa World Challenge


 Hindi hinayaan ni two-time Olympian EJ Obiena na mapahiya ito sa harap ng kanyang mga kababayan matapos pagha­rian ang World Pole Vault Challenge na ginanap sa Ayala Triangle sa Makati kahapon.

Dagsa ang mga nanood sa kabila ng banta ng bagyong Nando upang suportahan ang Pinoy pole vaulter sa laban nito.

Kaya naman mas la­long naging inspirado si Obiena nang makuha nito ang 5.80 metro sa kanyang second attempt.

Ito rin ang parehong mar­ka na naitala ni Thibaut Collet ng France.

Ngunit napasakamay ni Obiena ang gintong medalya via countback dahil naabot ni Collet ang 5.80m sa kanyang ikatlong pagtatangka.

Nasikwat naman ni P­iotr Lisek ng Poland ang tansong medalya bunsod ng nakuha nitong 5.70m.

Magandang resbak ito para kay Obiena, nabigong makapasok sa final round ng katatapos na World Athletics Championships sa Japan kamakailan.

Matatandaang hindi nakuha ni Obiena ang 5.75m na qualifying mark para makapasok sa finals ng world meet.

Naghari sa naturang world championships si reigning world champion at Olympic gold medalist Mondo Duplantis na muling nagtala ng bagong world record na 6.30m.

Inimbitahan si Duplantis na magpartisipa sa Atletang  Ayala World Pole Vault Challenge subalit hindi ito tumugon.

Gayunpaman, maning­ning pa rin ang event dahil sa pagdating ng mga world-class players gaya ni world No. 5 Ersu Sasma ng Turkey at world No. 6 Menno Vloon ng Netherlands.

Lumahok din sina No. 13 Ben Broeders ng Belgium, No. 14 Austin Miller ng Amerika, No. 16 Oleg Zernikel ng Germany at No. 23 Matt Ludwig ng Amerika.

Ilang torneo pa ang nakalinya para kay Obiena sa taong ito.

Fighting Maroons nabulaga sa Tigers

 

 Ipinaramdam agad ng University of Sto. Tomas ang kanilang bangis matapos nilang silatin ang defending champion University of the Philippines, 87-67 kahapon sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa UST Quadricentennial Pavilion.

Ipinakita ni Collins Akowe na handa na siyang makipag-sabayan sa mga tigasing players sa UAAP matapos nitong magpakitang gilas para akbayan ang Growling Tigers sa panalo at mantsahan agad ang karta ng Fighting Maroons.

Tumikada ang 6-foot-10 center, prudukto ng National University Nazareth School, ng 29 points mula sa 9-of-15 shooting sa field at 11-of-21 sa free-throw line kasama ang 17 rebounds para ilista ang 1-0 record ng EspaƱa-based squad.

Magandang simula ito para sa host school UST kaya naman nakalsuhan nila ang nine-game lo­sing streak kontra UP.

Huling panalo ng UST sa UP ay noong Nobyembre 13, 2019, nang isalpak ni Renzo Subido ang clutch three-pointer para sa 68-65 panalo at sumampa sa Season 82 Finals.

Maagang nagliyab sa opensa ang Growling Tigers sa unang dalawang quarters, hinawakan nila ang 14-point lead, 57-43 sa halftime.

Sinabayan na lang ng UST ang opensa ng UP sa second half kaya naman nasungkit nila ang magaan na panalo.

Sa unang laro, walang kahirap-hirap na sinakmal ng National University ang University of the East, 72-57.

Bumida sa opensa ng Bulldogs si Jake Figueroa na nagsalpak ng 16 puntos.

Pro-Duterte rally idinaos sa Davao, inihaw na baka isinilbi

Kasabay ng “Trillion Peso March”, nagdaos ng rally ang pro-Duterte groups sa lungsod ng Davao na nanawagan na ibalik na sa bansa si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na kasalukuyang nililitis sa Netherlands sa “crime against humanity” bunsod sa madugong drug war nito.

Isinilbi naman sa nasabing pro-Duterte rally ang inihaw na baka sa mga nagtitipon sa Rizal Park ng lungsod.

Bandang alas-2 ng hapon ay isinilbi ng mga nakasuot ng kulay itim na damit na may asul na apron sa ibabaw ng kanilang mga t-shirts ang mga mang­gagawa na naatasang maghanda ng pagkain na inihain sa isang mahabang mesa para pakainin ang mga pro-Duterte supporters.

Samantala, dalawang malalaking tent din ang isinet-up sa kahabaan ng San Pedro at Bolton Streets kung saan inilagay ang entablado para sa sounds at digital video.

Kaugnay nito, nagdaos din ng Citizens Rage Against Corruption rally sa Freedom Park ng lungsod ‘di kalayuan sa pinagdarausan ng rally ng pro-Duterte supporters.

Isinisigaw naman ng mga raliyista laban sa korapsyon na panagutin ang lahat ng mga kurakot sa flood control projects na pawang nakasuot din ng kulay itim bilang simbolo umano ng kanilang matinding galit laban sa pangungurakot sa pondo ng bayan.