Sunday, September 21, 2025

Jinggoy, Villanueva kakasuhan kung may ebidensya – Lacson


 Hindi magda-dala­wang isip ang Senate Blue Ribbon Committee na irekomenda ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban kina Senators Joel Villanueva at Jinggoy Estrada kung ang ebidensya na ipapakita ni dating Bulacan district engineer na si Brice Hernandez ay magpapatunay na ang dalawa ay nakinabang sa umano’y bud­get insertions, ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson nitong Linggo.

Kinumpirma ni Lacson na nakabalik na si Hernandez sa Senado sa Pasay City alas-6 ng gabi noong Sabado na may bitbit na mga kahon ng mga dokumento at computer na pinaniniwalaang magpapatunay sa kanyang mga alegasyon laban kina Estrada at Villanueva, at sa ilan pang mambabatas at opisyal ng gobyerno.

“Totoo ‘yun (sa­sampahan ng kaso), kasi meron naman nang, na-create na yung ICI (Independent Commission on Infrastructure). Agad-agad maski ‘di pa tapos ‘yung aming pagdinig at wala pang committee report, ipapadala ko na ‘yung parte na ‘yun kung sino man ‘yung mga naituro pa at may ebidensya, ipapadala na namin agad sa ICI yun para mapadali ‘yung kanilang ginagawang investigation,” ani Lacson sa panayam ng dzBB.

Si Hernandez, na nasa ilalim ng kustodiya ng Senado matapos ma-contempt, ay pinayagang umalis sandali ng alas-6 ng umaga noong Sabado upang kumuha ng mga dokumento at computer mula sa kanyang tahanan sa Bulacan.

Ayon kay Lacson, selyado na ang mga ebidensya at sasailalim sa tamang pamamaraan para mapanatili ang chain of custody bago iharap sa mga pagdinig.

Aniya, kapag napro­seso na ang mga mater­yales, maaaring iharap ang mga ito sa Martes, kung saan nakatakdang ipagpatuloy ang susunod na pagdinig sa Blue Ribbon.

Sa panahon ng pagdinig, dapat ding i-validate ng komite ang mga claim na ginawa ni Hernandez laban kay dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon-Uy, isa ring social welfare official sa ilalim ng Duterte administration. Sinabi ni Hernandez na nakatanggap si Cajayon-Uy ng mga kickback mula sa mga ghost project ng Bulacan.

Inamin ni Lacson na habang si Hernandez ay naunang nag-claim ng tungkol sa mga insertion, wala pang matibay na ebidensya laban kina Villanueva at Estrada.

“Totoo ‘yun pero ‘di maliwanag kung si Sen. Joel at Jinggoy ang nag-insert noon. At mahirap i-establish ‘yun. Ngayon kung meron siyang katibayan, ibang usapan na ‘yung may napakita siyang proof na nagbigay siya ng kickback—e meron nang criminal case ‘yun. Sa ngayon wala tayong mababatong criminal cases against two senators kasi in fairness to them naman, hanggang pagbibintang pa lang naman ‘yung ginagawa ni Brice Hernandez,” ani Lacson.

Sa pagdinig ng Kamara, sinabi ni Hernandez na si Estrada ang pangunahing nagsusulong ng pondo para sa P355 milyong flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng Hagonoy at Malolos sa Bulacan.

Sinabi rin ni Hernandez na si Villanueva naman ang pangunahing nagsusulong ng pondo para sa P600 milyon sa mga flood control projects sa Balagtas at Bocaue, Bulacan.

Kapwa itinanggi ng dalawang senador ang mga akusasyon ni Hernandez.

Vice Ganda kay Pangulong Marcos: Ipakulong mo lahat ng magnanakaw!

 

 Hinamon ni It’s Showtime host Vice Ganda si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na ipakulong ang mga magnanakaw kung nais nitong magkaroon ng legasiya ang kanyang pangalan.

Binitawan ni Vice ang panawagan sa kanyang pagdalo sa EDSA White Plains rally kahapon kasama ang ilan pang artista tulad nina Iza Calzado, Catriona Gray at Gabbi Garcia.

Ayon kay Vice, ang taumbayan ang ‘emplo­yer’ ng Pangulong Marcos at iba pang opisyal ng pamahalaan kaya dapat nitong sundin ang iuutos ng sambayanan.

Giit ni Vice, nakatuon ang mata ng publiko sa mga kilos ng Pangulong Marcos kaya inaasahan nilang gagawin nito ang nararapat na pagpapakulong sa lahat ng magnanakaw sa pamahalaan. “Nakatingin kami sa’yo, Pangulong Bongbong Marcos at inaasahan ka namin, hindi dahil sa idol ka namin kundi dahil sinusuwelduhan ka namin at inaasahan namin na tutuparin mo ang inuutos naming mga employer mo,” ani Vice.

Kasabay nito, nanawagan din si Vice sa pamahalaan na ibalik ang death penalty para sa mga korap na pulitiko.

Giit ni Vice, ang mga korap na pulitiko ay mas malala pa sa mga mamamatay-tao.

“Ang korapsiyon ay higit pa sa terorismo. Ang mga terorista namimili lamang ng lugar at panahon kung kailan aatake pero ang mga magnanakaw sa Pilipinas walang pinipiling araw… araw-araw nila tayong ninanakawan,” dagdag pa ng TV host.