Friday, September 19, 2025

Discaya couple nag-aplay sa Witness Protection



 

 Nagtungo sa Department of Justice (DOJ) ang mag-asawang contractors na sina Pacifico “Curlee” Discaya II at Sarah Discaya para sa evaluation ng aplikasyon sa Witness Protection Program nitong Biyernes.

Naunang dumating si Curlee sa Compound ng DOJ alas-8:00 ng umaga na nakasuot ng bullet vest na may escort na mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms habang si Sarah ay alas-10:30 ng umaga.

Matapos makipagpulong kay Justice Secretary Remulla at sa WPP Director ang mag-asawa ay naunang umalis ng DOJ compound si Sarah at huling umalis si Curlee kasama ng mga escort, na nasa kustodiya ng Senado matapos ma-contempt ng Blue Ribbon Committee.

Sinabi ni Mico Clavano, tagapagsalita ng DOJ, na ang isusumiteng affidavit ng dalawa ay babasahin para sa evaluation kung sapat ang nilalaman na impormasyon.

“Kailangan po ma­ging truthful, kailangan po sabihin ang lahat ng nalalaman nila. We cannot afford to be selective in this process dahil po that will affect, no, their application sa pagiging protected witness,” ani Clavano.

Una nang nagpahayag ang Discayas na maging state witnesses matapos pangalanan ang ilang kongresista, mga staff nila at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na diumano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Sinabi ni Clavano na posibleng hingin ni Remulla ang pagbabalik ng anumang ill-gotten funds na pagpapakita ng sinseridad ng mga Discaya.

Ani Clavano, pribelihiyo ang pagkakaloob ng proteksyon kaya kung magsisinungaling ay maaaring ipakulong at kasuhan ng perjury, bukod pa sa matatanggal sila sa WPP.

Samantala, sinabi pa ni Clavano na bukas lang ang DOJ sa sinumang nais na maging state witness o protected witness.

“We want to ensure the safety of all the witnesses who are willing to come out. And this is actually an offer to all those who want to be protected as witnesses if they have anything or any information that they can share with the department,” aniya.

“This is a call to all those who are involved to come forward with their information para ma-evaluate po natin,” ani pa ni Clavano.

Matatandaang sinabi ni Remulla na hindi pa nagbibigay ng impormasyon ang dalawa at kailangang isoli nila ang pera na nakuha sa sinasabing maanomalyang mga kontrata sa flood control projects.

Thursday, September 18, 2025

Cherry Pie at Edu nagkausap na, aktres handa na ulit sa lovelife


 Kahit hindi pa natanong nang husto ang tungkol kay Edu Manzano, ikinuwento na rin ni Cherry Pie Picache na nagkita at okay raw ang pag-uusap nila kamakailan lang.

Nangyari ito sa event ng tatlong ahensya sa movie industry, ang Film Development Council of the Philippines, Film Academy of the Philippines at MOWELFUND na tinawag nilang Araw ng Pagkakaisa ng Pelikulang Pilipino, na ginanap sa Valencia Events Place noong nakaraang buwan. “We saw each other there. We went out. And it felt good after what, two and a half years na halos hindi kami nagkita,” bulalas ni Cherry Pie sa media conference ng pelikula niyang The Last BeerGin kahapon.

“We still message. Birthday niya nung Sept. 14. So, I greeted him, hanggang dun lang.

“Hindi lang siguro nagkaroon ng chance na nagkakataon na… I mean, nagkaroon ng chance na magkita,” sabi pa ng premyadong aktres.

Nagkakausap daw sila at pati nga raw ang lovelife ay natanong sa kanya ni Edu.

“Okay naman kami e. Hindi naman kami nag-away or anything.

“Maayos naman. You know, he’s a good man. Maayos kami… walang away.

“Nagkumustahan kami,” sambit pa ng aktres

Wala naman daw siyang ideya sa lovelife ni Edu.

“I’m just so happy… meron ba siya. Hindi ko alam. I’m just happy to see him. I’m just happy that he’s well. And I’m happy that everything’s fine with him, ‘yung ganun.

“And I think he’s also happy na everything is going out well, going on well sa life ko. We’re happy for each other,” saad nito.

Pagdating naman kay Cherry Pie ay bukas naman daw siya sa posibilidad na magka-lovelife uli, dahil gusto nga raw ng kanyang anak. “Kasi siyempre, he (anak niya) has a girlfriend, he’s growing up. Syempre nagkakaroon ng sarili niyang buhay. Siyempre, gusto niya siguro na sana may makasama ka, companionship ‘yung ganun. ‘Yung may maging katuwang ka, ‘di ba?

“And I think, ako rin gusto ko. So, para hindi ako masyado nakaasa sa kanya ‘yung ganun,” sabi pa ni Cherry Pie.

Ayaw raw niya sa mas bata sa kanya. If ever daw gusto sana niya ay kaedad niya o mas older sa kanya.

Mga hanash sa lovelife ang isa sa pinag-uusapan sa inuman ng main characters nitong pelikulang The Last BeerGin.

Kasama ni Cherry Pie rito sina JC Santos, Pepe Herrera, Xyriel Manabat at Zaijian Jaranilla. Sinulat ito ni Mel del Rosario at dinirek ni Nuel Naval.

Sa Oct. 1 mapapanood sa mga sinehan ang The Last BeerGin.

Direk Joel, mas piniling mag-aklas sa birthday!

Sa Linggo ay ipagdiriwang ni direk Joel Lamangan ang kanyang 71st birthday, at taun-taon ay talagang sine-celebrate niya ito.

Pero ngayong taon ay wala raw siyang pa-party o kahit dinner man lang kasama ang close friends. “Walang ganun! Nagdudusa ang bayan. Ayokong ako ay nagpa-party dahil… parang hindi dapat,” mabilis na sagot ni direk Joel nang tsinika siya ng ka-birthday rin niyang si Jerry Olea.

Sa halip na maghanda ay sa Luneta rally siya sasali kaugnay sa corruption sa gobyerno na iniimbestigahan sa Senado at Kongreso.

“Magdidirek ako ng rally. Sa Luneta. Meron doong performances, marami. May mga speeches,” sabi pa ni direk Joel.

Active si direk Joel pagdating sa ganitong pag-aklas, kaya kahit walang talent fee, willing siyang gawin ito sa mismong kaarawan nito.

Bukod sa Luneta ay meron ding tinatawag nilang A Trillion Peso March na gagawin naman sa EDSA. “Magkikita-kita rin iyan, Diyos ko! OK iyan,” bulalas ng premyadong aktor.

Wala naman daw isyu kung magkikita-kita sa rally ang mga kakampink, dilawan at mga loyalista ni Pres. Bongbong Marcos.

“Oo! Huwag lang mga Duterte! Hindi OK ‘yan, mga Duterte.”

Naku! Baka lumahok din ang mga DDS (Diehard Duterte Supporters) with placards na “Bring Him Home! Ay, hindi! Hindi sila puwede roon!” tili ni direk Joel.

Huwag lang daw sanang umulan, dahil hindi raw siya puwedeng mabasa, at baka magkasakit pa raw siya.

Pati sa birthday wish ay naiiba sabi ni direk Joel.

“Naku, sana, mahuli na lahat iyang mga corrupt-corrupt na iyan! Mahuli na lahat iyan!

“Sana, magkaroon ng mahuhuling kongresista at senador na talaga namang sila naman talaga ang kumita nang kumita diyan,” ‘yan ang birthday wish ni direk Joel Lamangan.

Happy birthday kay direk Joel at pati na rin sa ka-PEP Troika naming si Jerry Olea.

Mikoy at Esteban, walang malisya ang ginawa!


 Sa kasalukuyang panahon, hindi na lang sa coffee shops or chance encounters ang kilig. Minsan, nangyayari ito sa ‘yong For You Page.

At ito ang mapapanood sa Puregold’s newest Boys’ Love (BL) vertical series, Got My Eyes on You, sa TikTok, starring Mikoy Morales and Esteban Mara.

Ang nasabing 36-episode BL series ay kuwento nina Shawn at Drew na nagsimulang enemies, naging friends, at nagtapos na lovers.

Pero wala raw silang issue sa kanilang sexua­lity, confident sina Mikoy at Esteban kahit pa BL ang ginawa nila.

“Oo! I can’t speak for him, to him! Ako, confident ako sa sarili ko,” sabi agad ni Mikoy.

“Yes! Secure rin naman ako,” sagot naman ni Esteban.

“Siguro nga, iyon ‘yung what makes it kung bakit naging madali ‘yung pag-portray namin kay Shawn at Drew.

“Clear sa amin ‘yung mga kailangang gampanan. So, naging madali, naging suwabe. And ‘yun nga, walang hesitant.

“Once the camera starts rolling, it’s Shawn and Drew already, portraying the characters. So, ‘yun,” sabi ulit ni Mikoy.

“Saka game. Game siya! Game si Teban.

“Kahit doon sa mga times na parang, ‘What if ganito ang gawin natin? Or subukan kaya nating ganito?’

“Yes, collaborative,” sabi naman ni Esteban .

“Hindi siya ‘yung parang, ‘Huh, hindi sinabi ni Direk ‘yun?!’” susog naman ni Mikoy.

Pero hindi raw sila naging faithful sa mga dialogue nila. Yup, may mga adlib daw sila.

At sa look test pa lang daw ay nakita na ni Mikoy ang kanilang ‘chemistry’: “Noong look test pa lang, noong gumawa kami ng eksena, kita mo naman na very disciplined and professional si Teban,” papuri pa ng aktor sa katrabaho niya.

“And higit sa lahat, lalo na sa mga ganitong roles kasi importante siguro na secure siya sa kanyang pagkatao. So, walang room for ilangan. Andaling mag-open up agad and just to jump and dive whatever within, kasi, wala, e. Walang inhibitions!

“Walang malisya ba. Or walang kahit anong pagho-hold back dahil sa kaartehan. Wala siyang kaartehan. Ha! Ha! Ha!” dagdag pa ni Mikoy.

Anyway, exciting ang mga eksena nila, kaya naman hindi maka-move on sa bawat episode at nakadikit na ang viewers.

Mas fresh ang atake nila, hindi hard sell, kaya naka-relate ang audience  – sparking excitement among various audien­ces – Gen Z, Millennials, and the LGBTQIA+ community, among others.

Kaya sa ginanap na press launch last Sept. 16 at Rampa Club nagsilbi itong celebration of love, fan energy, and Filipino creativity. Hosted by radio DJ and voice actor Papa JT, nagkaroon ng mas malalim na pagkilala sa mga ginampanang papel ng mga artista sa nasabing BL series.

Samantala, naglabas naman ng saloobin si Mikoy sa korapsyon sa ating bayan.

Kabilang nga naman si Mikoy sa mga artistang nagbabayad ng buwis na walang palya.

“Nakakagalit! Nakakagalit talaga! Kasi makikita mo, ‘pag kukuha ka ng pay slip tapos may kaltas doon sa suweldo mo.

“Tapos makikita mo, doon napupunta ‘yung kaltas ng suweldo mo. I’m sure it’s just one of those things na kakabukas lang ng Pandora’s box na ‘yan ngayon.

“Na at least, maraming naging aware. Pero isa pa lang ‘yan, ‘di ba? So I can get going but nakakapikon na siya!” napapailing na sabi pa ng aktor.

“Kasi, lalo na nung nakita mo kung magkano ang kinita nila nung pandemic. Andaming taong nawalan ng buhay saka nawalan ng means of living noon. Tapos, ‘di ba? Parang nakaka… ewan ko.”

Ganundin ang nararamdaman ni Esteban: “Same, nakakagalit. Kasi, parang hindi mo na rin maintindihan kung anong nangyayari, e.

“And at the same time, kapag nanood ka pa sa news and pinakinggan mo ‘yung mga hearing, para lang din siyang play! Alam mo ‘yun?!

“Parang… ano ba talaga ang nangyayari? Kasi, at the end of the day, limited din lang kung ano ang nakikita at naririnig natin kaya we deserve to know kung ano talaga ang nangyayari.

“Because Filipinos deserve better, ‘di ba? Masakit sa puso kapag nakakakita ng mga kapwa Pilipino na naghihirap samantalang ‘yung iba, e, nakikita ‘yung karangyaan ng buhay sa pananamantala.”

Anyway, kasama sa cast ng vertical BL series sina Darwin Yu, Ady Cotoco, Toniyuh, Victor Sy, at Hannah Lee, sa direksiyon ni Dizelle Masilungan.

Sa Pansol, Laguna kinunan ang kabuuan ng proyektong ito for six days.