Nagtungo sa Department of Justice (DOJ) ang mag-asawang contractors na sina Pacifico “Curlee” Discaya II at Sarah Discaya para sa evaluation ng aplikasyon sa Witness Protection Program nitong Biyernes.
Naunang dumating si Curlee sa Compound ng DOJ alas-8:00 ng umaga na nakasuot ng bullet vest na may escort na mga tauhan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms habang si Sarah ay alas-10:30 ng umaga.
Matapos makipagpulong kay Justice Secretary Remulla at sa WPP Director ang mag-asawa ay naunang umalis ng DOJ compound si Sarah at huling umalis si Curlee kasama ng mga escort, na nasa kustodiya ng Senado matapos ma-contempt ng Blue Ribbon Committee.
Sinabi ni Mico Clavano, tagapagsalita ng DOJ, na ang isusumiteng affidavit ng dalawa ay babasahin para sa evaluation kung sapat ang nilalaman na impormasyon.
“Kailangan po maging truthful, kailangan po sabihin ang lahat ng nalalaman nila. We cannot afford to be selective in this process dahil po that will affect, no, their application sa pagiging protected witness,” ani Clavano.
Una nang nagpahayag ang Discayas na maging state witnesses matapos pangalanan ang ilang kongresista, mga staff nila at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na diumano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Sinabi ni Clavano na posibleng hingin ni Remulla ang pagbabalik ng anumang ill-gotten funds na pagpapakita ng sinseridad ng mga Discaya.
Ani Clavano, pribelihiyo ang pagkakaloob ng proteksyon kaya kung magsisinungaling ay maaaring ipakulong at kasuhan ng perjury, bukod pa sa matatanggal sila sa WPP.
Samantala, sinabi pa ni Clavano na bukas lang ang DOJ sa sinumang nais na maging state witness o protected witness.
“We want to ensure the safety of all the witnesses who are willing to come out. And this is actually an offer to all those who want to be protected as witnesses if they have anything or any information that they can share with the department,” aniya.
“This is a call to all those who are involved to come forward with their information para ma-evaluate po natin,” ani pa ni Clavano.
Matatandaang sinabi ni Remulla na hindi pa nagbibigay ng impormasyon ang dalawa at kailangang isoli nila ang pera na nakuha sa sinasabing maanomalyang mga kontrata sa flood control projects.

No comments:
Post a Comment