Monday, September 15, 2025

Ret. Justice Reyes pamumunuan ICI

 

 Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang chairperson ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) si retired Supreme Court Associate Justice Andres Reyes.

Ayon sa Pangulo, si Andres, bilang dating presiding Justice ng Court of Appeals (CA) ay mayroong magandang record ng katapatan at pagiging patas gayundin ang pagbibigay nito ng hustisya sa mga biktima.

Si Andres ay nagsilbi bilang trial judge mula 1987-1999 nang maitalagang CA Associate Justice.

Nauna nang inanunsyo ng Malakanyang na miyembro ng ICI sina ­dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson, at Rossana Fajardo, country managing partner ng SGV & Co. Magsisilbi namang special adviser si Baguio City Mayor Benjamin Magalong.

Ang binuong ICI ay magsasagawa ng masusing imbestigasyon sa mga flood control at iba pang infrastructure projects ng gobyerno sa nakalipas na 10 taon.

Sinabi ng Pangulo na nakausap niya ang lahat ng miyembro ng ICI at nagkasundo na kailangan na agad nilang kumilos ng maaga at mabilis para hindi mapanis ang mga impormasyon na binigay ng taong bayan at mga impormante sa Sumbong sa Pangulo website.

Kahapon ay binuo na ng ICI ang kanilang organizational structures kung sino ang bubuo ng secretariat, saan ang kanilang opisina at plano rin nila na pribadong magpulong araw-araw.

Nilinaw naman ng Pangulo na 2015 hanggang 2025 ang sakop ng imbestigasyon dahil 10 taon lang ang itinatakda ng Commission on Audit (COA) para makapagtago ng records.

Pangulong Marcos: ICI walang sasantuhin!

 

Maging ang pinsan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na si Speaker Martin Romualdez ay hindi lusot sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infras­tructure (ICI).

Sa press conference sa Malakanyang, sinabi ng Pangulo na walang sasantuhin ang ICI kahit pa kaibigan, kamag-anak o kaalyado ang dawit sa katiwalian sa flood control projects.

Ginawa ni Pangulong Marcos ang pahayag matapos sabihin ni Navotas Congressman Toby Tiangco na nasa likod ng anomalya sina Romualdez at dating House Appropriations chair Zaldy Co.

Paliwanag ng Presidente, wala namang maniniwala kung sasabihin lamang niya na walang kinikilingan at walang tinutulungan ang ICI.

Kaya mas mabuti aniya na gawin ito at imbestigahan ang lahat ng sangkot sa anomalya.

“Anybody will say, ah hindi, wala, wala tayong kinikilingan, wala tayong tinutulungan, wala namang maniniwala sa iyo hanggat gawin mo e, so gagawin namin,” sabi ng Pangulo.

Maipagmamalaki aniya ng MalacaƱang na walang kaugnayan ang 3-man Commission sa kahit na alinmang ahensiya ng gobyerno kaya hindi pagdududahan ang kanilang pagi­ging independent dahil ­lahat ng mga ito ay wala sa gobyerno, maliban kay Baguio City Mayor ­Benjamin Magalong.