Naglabas na ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.
Base sa ulat, nasa bansa na rin ang International Police o Interpol para makipag-ugnayan sa mga otoridad sa bansa para maaaresto ang senador.
Ikinokonsidera naman ng source mula sa The Hague na pamilyar sa nasabing kaso na ito ay “serious and imminent” sa gitna ng impormasyon na nais ng ICC na madala doon si dela Rosa bago magsimula ang pormal na trial ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong huling bahagi ng buwan.
“According to information circulating here, the warrant is real and has already been released,” sabi ng source.
Hindi pa naman kinukumpirma ng ICC ang nasabing impormasyon habang isinusulat ang balitang ito at maging ang Palasyo ng Malakanyang.
Si dela Rosa, dating hepe ng Philippine National Police (PNP) at malapit na kaalyado ng Duterte administration dahil sa anti-drug campaign ay kasama sa iniimbestigahan dahil sa kasong crimes against humanity ng dating pangulo.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na naghahanda na ang 10,000-man task force para sa posibleng pag-aresto kay dela Rosa sa sandaling maglabas na ng warrant of arrest ang ICC laban sa senador.
“As of latest update, the DILG is preparing a 10K task force for the dragnet operations in case a warrant of arrest for Senator Bato is issued,” wika ni Remulla.
Tumanggi naman si Remulla na magbigay ng iba pang impormasyon kaugnay sa deployment o kung kailan ito gagawin.
Nilinaw naman ng kalihim na hindi pa natatanggap ng mga otoridad ang sinasabing arrest warrant.
Nobyembre pa ng nakaraang taon ay hindi na nagpapakita sa Senado si dela Rosa matapos pumutok ang balita na may warrant of arrest na ang ICC laban sa kanya.

No comments:
Post a Comment