SINIMULAN ni Rey Remogat at tropa sa defending champion University of the Philippines na suriin ang mga sarili upang itala ang unang panalo sa pagtambak sa University of the East, 92-75, sa 88th UAAP Men’s Basketball Tournament elims nitong Linggo ng hapon sa Araneta Coliseum.
Todo kayod siya tampok ang isang 4-point play tungo sa 21 points sa anim na tres, rekado sa 11 assists, 7 rebounds at 2 steals upang itulak ang Fighting Maroons na tuldukan ang kambal na semplang.
“Nag-umpisa kami sa sarili namin. Alam namin na kaya naman namin pero parang may kulang. Doon kami nag-start, sa mga kulang, nagtulungan kami para mapuno namin ang mga kulang,” suma ni 5-foot-10 guard Remogat, sa unang mahusay laban sa dati niyang team Red Warriors.
“Ginagawa ko po ito lahat para kay Lord, nagbunga ang lahat ng paghihirap ko, naniniwala ako na be always ready, salamat sa mga teammate ko at sa tiwala ng mga coach namin,” hirit pa niya.
Naghabol ang Fighting Maroons sa kaagahan ng laro bago pinagningas ni Remogat ang Peyups sa pagtatapos ng first half bitbit na ang 17 puntos na abante. Itinala pa ng UP ang pinakamalaki kalamangang 27, 81-54.
Isa pang dating taga-Recto, si Gani Stevens, ang sumaklolo kay Remogat ng 14 markers na naglaglag sa UE sa ilalim ng walong koponang liga sa 0-3.
Magpapatuloy ang torneo sa Miyerkoles sa mga giriang De La Salle University-Far Eastern University sa alas-2:00 nang hapon, at University of Santo Tomas-National Universty sa alas-4:30 nang hapon. (Lito Oredo)

No comments:
Post a Comment