Wednesday, September 24, 2025

Discayas, 3 ex-DPWH execs pasok sa ‘witness’ - DOJ

 

 Ikinokonsidera na ng Department of Justice (DOJ) na protected witnesses ang 3 opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya.

Sinabi ni Justice Secretary Jesus ­Crispin Remulla nitong Miyerkules na ang mga dating DPWH engineers na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza at mag-asawang Discaya ay kailangang mabigyan ng proteksyon upang magtuluy-tuloy ang mga pagbubunyag nila.

“Kasama iyan sa evaluation, pero we consider them already protected witnesses iyong tatlong taga-DPWH so far na nagsasalita sa amin are considered protected witness. We just wrote a letter to the Senate President about that status,” ani Remulla.

“Ang protected witness kasi, kaya ginawa ang witness protection program, para ang mga testigo sa mga kaso ay hindi masaktan at hindi pagtangkaan ang buhay, kaya iyan ay isang katungkulan na aming tinutupad,” aniya pa.

Nilinaw ni Remulla na hindi pa naman sila maituturing na state witnesses dahil marami pang parameters na dapat gawin bago sila maging state witnesses.

“Pwede na rin silang protected witness, iyan ang susunod naming aanuhin. Pero iyong state witness status kasi, we are very careful about that, it takes a lot of doing to declare a person a state witness,” paliwanag niya.

Tatlong engineers ang nauna nang nagpunta sa DOJ para sa ebalwasyon ng kanilang mga aplikasyon sa Witness Protection Program (WPP) kasunod ng mga pinakawalang impormasyon sa Senate Blue Ribbon Committee na nagbunyag pa ng ilang mga mambabatas sa diumano’y “insertions” at “kickbacks” sa flood control projects.


No comments:

Post a Comment