Hindi nakalusot kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ang tanggapan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman sa isyu ng mga inilabas na pondo para sa kontrobersiyal na flood control projects.
Inakusahan niya ang DBM ng kapabayaan dahil inilabas ang flood control funds na hinugot mula sa unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.
“Maski paano mayroong negligence (ang DBM) kasi `yung unprogrammed appropriations papaano ito nahugot at napunta sa infrastructure project,” sabi ni Lacson.
Samantala, ibinunyag ni Lacson na higit sa P100 bilyon ang isiningit ng mga senador sa ilalim ng 19th Congress sa national budget ngayong taon.
Sabi ni Lacson, lumalabas sa dokumentong kanyang nakalap na ang mga siningit ay mga individual insertions, bagama’t na-tag na “For Later Release” o FLR.
“Sa Senate pa lang, at least P100 bilyon. Nagulat nga ako, sa individual insertions ito, ito naka-FLR ngayon,” ani Lacson sa panayam sa radyo.
“Pagkalalaki. Never pa ako nakakita kasi noong araw `di pa declared unconstitutional ang PDAF [Priority Development Assistance Fund] nandoon lang sa hundreds of millions. E ngayon nakita ko ang total, kabuuan at least P100 billion,” dagdag niya.
Ayon pa kay Lacson, hindi pa niya nakikita nang buo ang listahan ng mga miyembro ng Kamara de Representantes pero mahaba rin aniya ang listahan.
Maaaring tanungin ni Lacson ang mga kinauukulang ahensiya sa deliberasyon ng panukalang 2026 national budget sa Senado kung bakit pinayagan ang mga budget insertion.
“Sa budget deliberation pwede ko tanungin ito bakit pinayagan ito. Ang pagbusisi, lalo sa plenary, gusto kong malaman ilan sa siningit na insertion ang na-release at papaano na-implement,” aniya.

No comments:
Post a Comment