Ginisa sa Senado ang mga opisyal ng Commission on Audit (COA) dahil sa kabiguan nilang matumbok ang katiwalian sa mga flood control project.
Ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian, kung ginawa lamang ng COA ang kanilang trabaho ay napigilan sana ang mga “ghost” project sa Bulacan First District Engineering Office (DEO).
“Sa pagkakaintindi ko po sa isang district office, mayroon ho silang power na magplano, gumawa ng detailed engineering, sila na rin nagpapa-bid, sila na rin po nag-i-inspect at nagbabayad,” ani Gatchalian.
“Kapag nagbayad, COA papasok sa post-audit level. So ibig sabihin, kahit may ‘ghost’ project, made-detect ng COA sa post-audit level,” dagdag pa niya.
Tinukoy ng senador ang proyekto na 46% nang nagawa, dalawang araw matapos lumabas ang notice to proceed, at 89% na kumpelto makalipas lamang ang 86 araw.
Depensa naman ni COA auditor Tracy Ann Sunico, hindi nagsusumite ang DEO ng disbursement vouchers at dagdag na dokumento kaya notice of disallowance lamang ang iniisyu ng auditor.
Bukod dito, dalawa lang umano ang audit team matapos tanggalin ang halos isang daang plantilla positions sa ahensiya noong 2023.
“In 2023, sa budget ng COA for 2023, nagbawas po ng plantilla position by 100+ employees supposed to be na dapat ma-deploy sa auditing agencies. Kaya po ang distribution lang po ng bawat audit team na mabibigat, nasa 2 auditors lang po,” wika ni Sunico.

No comments:
Post a Comment