Naghain nitong Biyernes ang Commission on Audit (COA) ng apat na fraud audit reports (FARs) sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay ng mga iregularidad sa apat na flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH)–Bulacan 1st District Engineering Office (DEO) na nagkakahalaga ng mahigit P360 milyon.
Batay sa imbestigasyon ng COA, isang proyekto ang hawak ng SYMS Construction Trading, habang tatlo naman ay nasa ilalim ng Topnotch Catalyst Builders Incorporated kasama ang kanilang joint venture partners.
Lumitaw sa FARs na iisa o ang naging suliranin ng mga proyekto, dahil itinuro ng mga kinatawan ng DPWH-Bulacan 1st DEO ang mga lokasyong hindi tumutugma sa mga aprubadong site. Wala ring naipakitang sapat na papeles upang bigyang-katwiran ang paglilipat, at natuklasan pang mayroon nang naunang flood control structures sa mismong mga lugar na sakop ng kontrata.
Kabilang sa mga tinukoy na proyekto ang P92.8 milyon na flood control sa Pulilan na hawak ng SYMS Construction Trading, ang P69.4 milyon na riverbank protection sa Plaridel ng Topnotch Catalyst Builders, at dalawang slope protection projects sa Bocaue na kapwa nagkakahalaga ng tig-P98.9 milyon na ipinatupad ng joint ventures ng Topnotch kasama ang Beam Team Developer Specialist Incorporated at One Frame Construction Incorporated.
Pinangalanan ng COA ang mga posibleng managot mula sa DPWH-Bulacan 1st DEO, kabilang sina District Engineer Henry Alcantara, Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, Planning and Design Section Chief Ernesto Galang, Maintenance Section OIC-Chief Jaime Hernandez, Project Engineers Lemuel Ephraim Roque, John Carlo Rivera, at Emelita Morales, gayundin sina Engineers John Michael Ramos, Jolo Mari Tayao, John Michael Marcos, Claudine Magdalene Magsakay, Ericka Justine Chico, at Isiah Lor Galang.
Kasama rin sa listahan ang mga opisyal at board members ng mga contractor: Sally Santos ng SYMS Construction Trading; Eumir Villanueva ng Topnotch Catalyst Builders; Allan Kevin Payawal ng joint venture ng Topnotch at Beam Team Developer Specialist; at Gian Carlo Galang ng joint venture ng Topnotch at One Frame Construction, pati na rin ang iba pang corporate officers at board members ng mga naturang kumpanya.
Itinuturing ng COA na maaari silang masampahan ng kaso ng graft, malversation, falsification of documents, at paglabag sa Government Procurement Reform Act.
Binigyang-diin ng ahensya na pansamantala pa lamang ang listahan ng mga sangkot at maaari pang madagdagan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa pahayag ni COA Chairperson Gamaliel Cordoba, bahagi ito ng mas malawak na audit sa lahat ng flood control projects ng DPWH sa Bulacan mula Hulyo 2022 hanggang Mayo 2025.
Dagdag pa ng COA, ang pagsusumite ng FARs sa ICI ay tugon sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang wastong paggamit ng pondo ng bayan, at dapat asahan ng publiko na may susunod pang FARs laban sa mga kahina-hinalang proyektong pang-imprastruktura.

No comments:
Post a Comment