Wednesday, September 17, 2025

Bulgaria winalis ang Pool E


 Kinumpleto ng World No. 12 Bulgaria ang Pool E sweep matapos gibain ang Chile, 25-17, 25-12, 25-12, sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Bumanat si Aleksandar Nikolov ng 17 points para sa 3-0 record ng Bulgaria papasok sa Round of 16 kung saan nila makakaharap ang second-place team sa Pool D na Portugal o Cuba.

Nauna na nilang pinatumba ang mga higher-ranked teams na Slovenia at Germany sa group stage ng 32-team world championship.

Nasa kanilang ika-11 FIVB Worlds appearance, target ng mga Bulgarians ang kanilang unang medalya matapos manalo ng tanso noong 2006 edition sa Japan.

Tinapos ng Chile (0-3) ang kanilang unang World Championship stint simula noong 1982.

Samantala, pinaluhod ng World No. 24 Portugal ang sibak nang Colombia, 23-25, 21-25, 25-20, 25-21, 15-11, para sa tsansa sa Round of 16.

Para makaabante sa knockout stage ay kaila­ngang ipagdasal ng Portugal na talunin ng Team USA (2-0) ang Cuba (1-1).

Sa Smart Araneta Coliseum, tinalo ng World No. 16 Turkiye ang World No. 8 Canada, 25-21, 25-16, 27-25, para angkinin ang top spot sa Pool G.

Nauna nang sumampa ang mga Turkish sa Round of 16 matapos gibain ang Libya at World No. 7 Japan.

Makakasama nila ang mga Canadians sa knockout stage.

No comments:

Post a Comment