Monday, May 12, 2025

Eleksiyon 2025, aarangkada na


 Arangkada ngayong Lunes, Mayo 12, ang National and Local Elections (NLE) sa bansa.

Ayon sa Commission on Elections (Comelec), mahigit sa 69 milyong Pinoy ang inaasahang lalabas ng kanilang tahanan upang bumoto sa midterm elections.

Kumpiyansa si Comelec Chairman George Erwin Garcia na magsisiboto ang mga ito at magiging mapayapa sa pangkalahatan ang halalan.

“Napakataas ng ating paniniwala sa mga kababayan nating botante na sila ay boboto at magi­ging tahimik ang ating eleksyon,” ani Garcia.

Kabilang sa ihahalal ng mga botante ay 12 kandidato sa pagka-senador; isang miyembro ng House of Representatives; isang provincial governor, isang provincial vice-governor, isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, isang mayor, isang vice mayor, isang miyembro ng Sangguniang Panlungsod, at isang party-list group.

Pinayuhan naman ng Comelec ang mga botante na bago magtungo sa mga presinto ay alamin na muna ang kanilang pol­ling centers at precinct, sa pamamagitan ng kanilang inilunsad na precinct finder na maaaring ma-access, sa pamamagitan ng https://precinctfinder.comelec.gov.ph/voter_precinct.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, mas makabubuti na ring magdala ng kodigo, kung saan nakasulat ang pangalan ng kanilang mga ibobotong kandidato, para sa mas mabilis na pagboto.

Tuloy pa rin naman anila ang early voting para sa vulnerable sectors, kabilang na ang mga buntis, matatanda, at persons with disabilities, na isasagawa mula 5:00AM hanggang 7:00AM.

No comments:

Post a Comment