Sunday, May 25, 2025
Tuesday, May 13, 2025
Pinagdarasal na makasampa sa top 12... Sen. Bong, nagpasalamat pa rin
Lalo kaming napabilib kay Sen. Bong Revilla sa maayos na pananaw kaugnay sa katatapos lamang na halalan.
Nag-post siya sa Facebook ng emoji na praying hard, kaya dinagsa ito ng mga mensahe ng suportang patuloy silang nanalangin na makasampa siya sa top 12.
May kasunod na siyang post sa Facebook ng pasasalamat sa lahat na sumuporta sa kanya.
Sabi niya, “Thank you very much my countrymen! Despite the unexpected, my heart overflows with gratitude for your constant love and support.
As we travelled together across the country, I will never forget every sweet smile, tight hug, and warm welcome. Your trust is engraved in me; as well every drop of sweat and sacrifice of everyone who helped and worked hard in our campaign.
“Serving is a privilege from you and the Lord, and we always commit to God what we do.
“Ever since I started serving the country 30 years ago, I always say that politics should only be 90 days in national and 45 days in local.
“May, now that this is era is over, we find ourselves reunited under our one flag.”
Samantala, ipinroklama na rin si Cong. Lani Mercado bilang Representative ng Lone District of Bacoor. At patuloy lang sila sa panalangin, kung ano talaga ang ipinag-adya ng Panginoon kay Sen. Bong.
Sabi nga ni Cong. Lani, nang maka-text ko siya, ang Panginoon daw talaga ang bahala kung ano ang plano sa kanyang asawa.
Si Cong. Jolo Revilla naman na muling hinalal na Congressman ng 1st district ng Cavite ay nag-post sa kanyang Facebook account ng pananaw niya sa katatapos lang na eleksyon.
Aniya, “Isang araw lang ang eleksyon, huwag nating sirain ang MAAYOS nating RELASYON. Bahala na kung magkaiba ang ating kandidato, manatili pa rin tayo bilang MAGKAIBIGAN.”
Gusto nang tapusin ng National University
Nais ni reigning MVP Mhicaela “Bella” Belen na maging memorable ang huling taon at season nito sa National University at sa UAAP collegiate league.
Nagtapos ng kursong Psychology at posibleng huling laro na ng 22-anyos na si Belen sa NU, haharapin nila ang De La Salle University sa Game 2 best-of-three finals ng UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na lalaruin sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City, ngayong araw.
Magsisimula ang paluan ng bola sa pagitan ng Lady Bulldogs at Lady Spikers sa alas-5 ng hapon.
Sinakmal ng Lady Bulldogs ang panalo sa Game 1 noong Linggo, 25-17, 25-21, 13-25, 25-17 na nilaro sa Smart Araneta Coliseum kung saan nirehistro ni two-time MVP Belen ang triple double na 19 puntos, 15 excellent digs at 10 excellent receptions habang nagtala ng season-high 21 attacks points si Evangeline Alinsug.
Kaya namumuro ang NU sa pagsilo ng back-to-back titles at maging bongga ang pagtatapos ng collegiate career ni Belen.
Naniniwala si Belen na ang magandang samahan nila sa team ang susi sa kanilang mga tagumpay at ito ang kanyang hahanap-hanapin sakaling sumampa ito sa pro league.
“Malaking bagay ang chemistry, lalo na sa volleyball,”ani Belen. “Kilala na namin iyung bawa’t isa.
Maliban kina Belen at Alinsug, huhugot din ng lakas si NU head coach Sherwin Meneses kina Alyssa Jae Solomon at libero Shaira Jardio.
Bulkang Kanlaon, muling sumabog!
Sumabog ulit ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island kahapon.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagkaroon ng moderate explosive eruption sa summit crater ng naturang bulkan alas-2:55 ng madaling araw na may tagal na limang minuto.
“The eruption generated a greyish voluminous plume that rose approximately 4.5 kilometers above the vent before drifting to the southwest.;Large ballistic fragments were also observed to have been thrown around the crater within a few hundred meters and caused burning of vegetation near the volcano summit erupted early Tuesday,” ayon sa Philvolcs.
Dulot nito, naitala ang manipis na ashfall sa mga lokalidad ng Negros Occidental sa La Carlota City – Brgys. Cubay, San Miguel, Yubo at Ara-al, Bago City – Brgys. Ilijan at Binubuhan, La Castellana – Brgys. Biak-na-Bato, Sag-ang, at Mansalanao.
Ang bulkan ay nananatiling nasa alert level 3 status.
Kaugnay nito, sinabi ni Phivolcs director Teresito Bacolcol na kailangang maging mapagmasid at maghanda ang mamamayan doon dahil sa inaasahang mas malakas na pagsabog sa susunod na mga araw.
Nananatili namang nasa mga evacuation centers ang mga residenteng apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Kanlaon.
Joy Belmonte, Isko at iba pang Metro Manila Mayors naiproklama na
Naiproklama nang lahat ang mga nanalong alkalde na kinabibilangan nina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Manila Mayor Isko Moreno at Pasig City Mayor Vico Sotto gayudin ang mga bise alkalde sa katatapos na midterm elections 2025 nitong Lunes.
Sa Quezon City, pormal nang naiproklama si incumbent Mayor Joy Belmonte na nakakuha ng 1,030,000 gayundin ang ka-tandem nitong si Vice Mayor Gian Sotto na nakakuha ng 923,680 boto.
Sa panayam ng media, lubos na nagpasalamat si Belmonte sa ‘historic’ 1 million votes. Bagamat nasa huling termino, tiniyak ni Belmonte na patuloy niyang isusulong ang social services, programang pangkalusugan at pabahay para sa QCitizens.
Ayon naman kay dating House Speaker Sonny “SB” Belmonte at ama ni Mayor Joy, pinabilib siya ng anak nang makakuha ng higit 1 milyong boto mula sa QCitizens. Ani, SB dahil sa tiyaga at sipag ng bunsong anak ay nakuha ang pinakamataas na bilang ng boto mula sa NCR.
Sinasabing noong 2010, si dating Manila Mayor Fred Lim ang nakakuha ng higit 1 milyong boto sa NCR at ngayong 2025, si Mayor Joy lamang ang nakakuha ng pinakamataas na boto sa pagka-Mayor sa Metro Manila.
“Simpleng tao ‘yan, mabait, matiyaga at masipag ay nakuha ang malaking bilang ng boto.Bilib ako sa kanya dahil ako natapos ang tatlong term sa pagka-Mayor ng QC pero hindi ko naabot ang milyong boto..ituloy lang niya ang magaganda niyang ginagawa” dagdag pa ni SB.
Ang mga konsehal namang nangunguna sa QC ay sina TJ Calalay, District 1; Mikey Belmonte, District 2; Doc Geleen Lumbad, District 3; Atty. Vicent Belmonte, District 4; Joseph Visaya, District 5 at Doc Ellie Juan, District 6.
Sa Congressional seat, nanalo ang mga incumbent Congressman na sina Arjo Atayde, District 1; Ralph Tulfo, District 2; Franz Pumaren, District 3; nagbabalik ba si Atty. Bong Suntay, District 4; PM Vargas, District 5 at Marivic Co-Pilar, District 6.|
12 waging senador target iproklama sa Mayo 17
Maaari umanong sa weekend ay maiproklama na ng Commission on Elections (Comelec) ang 12 winning senators para sa Eleksyon 2025.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, sa ?Sabado, Mayo 17, ang pinakamaaga nilang target na makapagsagawa ng proklamasyon.
“Baka itong Sabado o Linggo, sana makapag-proklama na tayo ng senador,” ani Garcia.
“Mabilis naman eh. Tingnan niyo 98.9% na nga ang nandyan, kapiraso na lang ang kulang. Kahit siguro wala yung kulang basta maipadala sa amin sa national board perhaps baka wala ng effect ang natitirang results. Pero syempre kailangan ang Comelec 100% ang canvass. Walang kahit isa man na COC ang maiiwan pag nag-canvass ang Comelec,” dagdag pa niya.
Matatandaang hanggang nitong Martes ng tanghali, o isang araw matapos ang halalan, nasa 98.99% na ang nai-transmit na local election returns (ERs) sa Comelec transparency servers. Ito ay 92,453 ng 93,387 na inaasahang total ERs.
Nag-convene namang muli ang Comelec, na umuupo bilang National Board of Canvassers (NBOC), nitong Martes ng hapon upang ipagpatuloy ang canvassing ng mga boto sa pagka-senador at party-list groups sa katatapos na midterm polls sa bansa.
Monday, May 12, 2025
Higit P197 milyong shabu nasabat sa 2 bigtime ‘tulak’
Arestado sa mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Southern Police District (SPD) ang dalawang bigtime ‘tulak’ matapos na makuhanan ng higit P197 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation kamakalawa ng gabi sa ParaƱaque City nitong Sabado ng hapon.
Batay sa report, alas-5 ng hapon nitong Sabado (May 10) nang isagawa ang operasyon sa loob ng isang eksklusibong subdivision sa ParaƱaque City at nagresulta sa pagkakahuli sa mga suspek na sina “Jalil”, 44, at “Gracia”, 36, kapwa residente ng Cebu City.
Ayon sa mga awtoridad nahirapan silang magsagawa ng surveillance at validation dahil sa mahigpit na security ng subdivision.
Subalit sa pagpupursige ng mga awtoridad, nagawa pa ring makipagtransaksiyon sa mga suspek kung saan ang mga shabu ay inilagay sa 29 na aluminum foil packs na may label na “Freeze-dried Durian” na may Chinese character.
Dito ay agad na pinosasan ng mga operatiba ang mga suspek at binasahan ng Miranda Rights.
Aabot sa 29 kilo ang kabuuang timbang ng mga nasabat na droga, na may street value na P197,200,000.
Nahaharap ang dalawa sa paglabag sa Republic Act 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Eleksiyon 2025, aarangkada na
Arangkada ngayong Lunes, Mayo 12, ang National and Local Elections (NLE) sa bansa.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), mahigit sa 69 milyong Pinoy ang inaasahang lalabas ng kanilang tahanan upang bumoto sa midterm elections.
Kumpiyansa si Comelec Chairman George Erwin Garcia na magsisiboto ang mga ito at magiging mapayapa sa pangkalahatan ang halalan.
“Napakataas ng ating paniniwala sa mga kababayan nating botante na sila ay boboto at magiging tahimik ang ating eleksyon,” ani Garcia.
Kabilang sa ihahalal ng mga botante ay 12 kandidato sa pagka-senador; isang miyembro ng House of Representatives; isang provincial governor, isang provincial vice-governor, isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, isang mayor, isang vice mayor, isang miyembro ng Sangguniang Panlungsod, at isang party-list group.
Pinayuhan naman ng Comelec ang mga botante na bago magtungo sa mga presinto ay alamin na muna ang kanilang polling centers at precinct, sa pamamagitan ng kanilang inilunsad na precinct finder na maaaring ma-access, sa pamamagitan ng https://precinctfinder.comelec.gov.ph/voter_precinct.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, mas makabubuti na ring magdala ng kodigo, kung saan nakasulat ang pangalan ng kanilang mga ibobotong kandidato, para sa mas mabilis na pagboto.
Tuloy pa rin naman anila ang early voting para sa vulnerable sectors, kabilang na ang mga buntis, matatanda, at persons with disabilities, na isasagawa mula 5:00AM hanggang 7:00AM.




