Saturday, December 28, 2024

Yulo paghahandaan ang world meet at SEA Games

 

Ang World Gymnastics Championships at ang 33rd Southeast Asian Games ang mga paghahan­daang torneo ni 2024 Paris Olympic Games double-gold me­dalist Carlos Edriel Yulo sa taong 2025.

Hangad ni Yulo na ma­duplika ang kanyang performance sa Paris Games.

“Kailangan ko pong ma­tapatan po ulit ‘yon and I’m really looking forward po sa mga next year na trainings po and ma-test ulit ‘yung sa­­rili ko sa mga competitions po,” sabi ni Yulo sa pa­nayam ng Radyo Pilipinas 2 Sports.

Sasabak ang 24-anyos na si Yulo sa FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Oktubre sa Ja­­karta, Indonesia.

Wagi si Yulo ng gold sa floor exercise noong 2019 at sa vault noong 2021 editions.

Sa Disyembre naman lalahok ang tubong Leveriza, Manila sa SEA Games na idaraos sa Bangkok, Thailand.

May siyam na gold me­dals na si Yulo sa nasabing biennial event na inaasahang ma­daragdagan pa sa 2025 edition.

Nakatutok din ang Pinoy gymnast sa muling pag­sabak sa Olympics sa Los Angeles, USA sa taong 2028.

Bukod pa rito ang tsansang makasabay sa trai­ning ang mga kapatid na sina Elaiza at Eldrew.

“Sana mabigyan din po sila ng opportunity na ma­­­kapag-training sa iba’t ibang countries nang ma­kita din po nila ‘yung ibat’ ibang kultura ng sports, ‘yung spi­rit ng pagiging at­leta po,” ani Yulo

Gumawa ng kasaysa­yan si Yulo nang kumubra ng dalawang gold medal sa Paris Olympics.

Si lady weightlifter Hidilyn Diaz ang bumuhat sa ka­una-unahang Olympic gold ng Pilipinas sa Tokyo Games noong 2021.

Ngunit hindi siya nakalahok sa Paris Olympics.

No comments:

Post a Comment