Iba na namang Dennis Trillo ang mapapanood sa pelikulang Green Bones na official entry ngayong taon sa MMFF ng GMA Pictures and GMA Public Affairs na creators ng MMFF 2023 Best Picture and Best Screenplay, Firefly.
Sa trailer pa lang ng pelikula, ang payat talaga ng actor, iba sa nauna niyang mga pelikula. At may mga look (preso) siyang aniya ay three hours na ginagawa, ‘yung may balbas, kaya kailangan daw siyang dumihan, prosthetics, ‘yung wig dahil galing siya sa Pulang Araw. “Sa tingin ko ‘yun ang pinaka-importante na naapektuhan ka na kaagad,” sabi ng actor pagkatapos ng grand launch ng Green Bones noong isang araw.
At masuwerte raw siya na makasama sa award-winning team “siyempre kami ni Ruru (Madrid) sanay kami sa TV, so minabuti namin na ibahin ang characters namin in terms of look, pagsasalita,” sabi pa ni Dennis na magsisilbing comeback niya sa MMFF.
Susundan nito ang kuwento ni Domingo Zamora na nakulong dahil sa pagpatay sa kapatid. Pero mauudot ang kanyang paglabas dahil sa bagong assigned na prison guard na si Xavier Gonzaga (Ruru Madrid) na personal mission na hindi makalabas ng kulungan si Zamora.
“Sa character kong ‘to, may phase na kailangan niyang mag-sign language talaga dahil sa trauma na naramdaman niya, parang ayaw niya munang magsalita so ‘yun. Pinag-aralan ko rin ang sign language o ‘yung tinatawag na FSL (Filipino Sign Language) and ‘yun lang makikita n’yo sa pelikulang ito, less ‘yung dialogue,” pahapyaw na kuwento ng mister ni Jennylyn Mercardo sa ginampanang niyang papel sa pelikula.
Dagdag niya : “Kailangan talaga niyang baguhin ang kanyang hitsura so kinailangan kong magbawas ng ilang pounds para ma-achieve ko ‘yung looks na ‘yun and kailangan mag-effort dahil ang tagal ko na industriya, kailangan ko naman may maipakitang bago na magiging curious lahat ng mga manonood.”
Samantala, 10 pounds ang ipinayat dito ni Dennis – galing sa 155 to 145.
Pero hindi naman daw siya nahirapang mag-diet. Nagbawas lang siya ng pagkain – nag-try siya ng one meal a day.
Pero kabado ba siya na mataas ang expectation sa kanya sa tuwing may bago siyang proyekto? “Ako ‘yung isang tao na never umaasang makakatanggap ng acting awards, basta matuwa ‘yung mga manonood, matuwa ‘yung mga kasamahan ko, lalo na ‘yung mga taong nagtiwala sa akin, feeling ko, award na ‘yun sa akin.
“Winner na ang pakiramdam ko. Lalo na ‘yung makasama sa ganitong cast, lalo na sa 50th anniversary ng MMFF, at ito ang first project na co-prod ang kumpanya na aming itinayo (Brightburn Entertainment), dun pa lang winner na agad.”
What made you decide na mag-invest sa proyekto ito? “Naisip naming ah kung magpo-produce tayo ng pelikula, ito ‘yung pinakamagandang time para gawin ‘yun, ito ‘yung season na ritual sa mga tao ang panonood ng pelikula, ginagawang kaugalian, magkakasama every Christmas para panoorin ang mga pelikula sa filmfest, ngayon, napaka-special dahil 50th anniversary.”
Mahirap bang maging producer?
“Medyo mahirap sa umpisa kasi nagsisimula pa lang kami, ang dami namin kailangang matutunan. Ang maganda lang dun sa pagiging involved sa production, siyempre mas nagiging collaborative kami, mas napapakinggan ang mga suggestion at idea namin kung papaano mas pagagandahin, i-twek ang mga eksena para mas maging effective.”
Ngayon daw ay excited na si Jennylyn na panoorin ito na as a producer ay lagi rin daw itong present sa mga meeting nila.
“At magaling siyang mag-handle ng pera, mag-budget. Hindi lang dito pelikula, kundi sa tahanan namin, napagaling niyang humawak ng pera.”
Ang Green Bones ay idinirek ng award-winning na direktor na si Zig Dulay, ang filmmaker sa likod ng Firefly.
Kasama rin sa pelikula sina Michael de Mesa, Ronnie Lazaro, Wendell Ramos, and Alessandra de Rossi with the special participation of Iza Calzado and Nonie Buencamino. Ganundin sina Mikoy Morales, Royce Cabrera, Sofia Pablo, Sienna Stevens, Kylie Padilla, Pauline Mendoza, Gerard Acao, Raul Morit, Victor Neri, Ruby Ruiz, at Enzo Osorio. Ang Green Bones ay ipinamahagi ng Columbia Pictures para sa Sony Pictures Releasing International. Mapapanood ito sa mga sinehan simula sa Disyembre 25.

No comments:
Post a Comment