Thursday, October 2, 2025

Comelec prinoklama 3 party-list cong


 Iprinoklama ng Commission on Elections (Comelec) nitong Huwebes ang mga first nominee ng Abono, Ang Probinsyano, at Murang Kuryente party-list groups bilang ookupa sa tatlong huling upuan sa Kamara de Representantes.

Sa seremonya na isinagawa sa Come¬lec Main Office sa Intramuros, Manila, prinoklama ng Commission en banc, umuupo bilang National Board of Canvassers (NBOC), sina Robert Estrella ng Abono, Alfred delos Santos ng Ang Probinsyano, at Arthur Yap ng Murang Kuryente. 

Sa nakaraang halalan, nakakuha ang Abono ng 254,474 boto; Ang Probinsyano naman ay nakalikom ng 250,886 boto; at ang Murang Kuryente ay 247,754 boto.

Nakapasok ang tatlong party-list group sa winning circle matapos na idiskuwalipika ng Comelec ang Duterte Youth party-list, na magkakaroon sana ng tatlong upuan sa Kamara.

Nitong Setyembre 30, pinal nang kinansela ng Comelec ang registration ng Duterte Youth party-list.

Pinanumpa na rin sa Kamara ang tatlong kongresista nitong Huwebes, Oktubre 2.

Alice Guo, pamilya tinadtad ng kaso sa biniling lupa

 

Nagsampa ng kaso ang NBI-Bulacan laban sa da¬ting Bamban, Tarlac Mayo¬r Alice Leal Guo o Guo Hua Ping, at sa kanyang pamilya dahil sa pagtatayo ng mga kompan¬ya at pagbili ng lupa sa Marilao, Bulacan.

Sa imbestigasyon, luma¬bas na sina Alice at mga kapatid niyang sina Shiela (Mier Zhang) at Siemen Guo ay nagkunwaring Pilipino para makapagtayo ng negosyo. Kasama rin nila sina Guo Jian Zhong at Lin Wen Yi bilang incorporator. Ayon sa NBI, kabilang sa itinayong kompanya ang QJJ Group of Companies, QSeed Genetics, QJJ Meat Shop, QJJ Slaughter House, QJJ Smelting Plant, at QJJ Embroidery Center. Lahat ito ay nakarehistro sa iisang address sa Marilao, Bulacan, sa lupang binili ni Guo noong 2010 sa halagang P2 milyon.

Nadiskubre ring pineke nila ang mga Articles of Incorporation, Secretary’s Certificate, General Information Sheet at mga permit, pati ang Deed of Sale ng lupa.

Dahil dito, kinasuhan sila ng 30 bilang ng falsification of public documents, 30 bilang ng Anti-Dummy Law violation, apat na bilang ng pamemeke ng business at building permits, at karagdagang anim na kaso ng falsification laban kay Alice Guo. Pinuri ng NBI ang kanilang mga ahente sa masusing imbestigasyon na nagbunyag ng mga pekeng negosyo at dokumento ng pamilya Guo.

SEC sa publiko: Recovery modus ‘wag patulan

 

Binalaan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang publiko laban sa mga recovery at advance-fee recovery scam na nag-aalok tulungan ang mga taong bawiin ang kanilang pera sa scam pero muling nabubudol.

Sabi ng SEC, wala itong binibigyan ng pahintulot na online account o grupo para mag-alok ng “recovery services” at ang mga lumalapit sa mga biktima para gawin ito nang may bayad o hinihinging personal na impormasyon ay manloloko. “On the contrary, they are being utilized as instruments to exploit already vulnerable victims,” sabi ng SEC. Paalala ng SEC, huwag magbibigay ng pera o personal na impormasyon sa mga manlolokong ito.

Ilan sa mga red flag ng recovery scam ay: nangangakong isauli ang pera pero sisingilin ka muna; nagsasabing may koneksyon sila o accredited sila kuno ng law enforcement agencies; peke ang mga pinapakitang registration documents at ID; at mamadaliin kang magbayad agad o magbigay ng sensitibong impormasyon.