Tuesday, September 30, 2025

Magnolia ‘patay kung patay’ sa Season 50 – Zav Lucero

 

POSITIBO si Zavier Lucero na magiging contender pa rin ang Magnolia sa PBA Season 50, kahit pa bagong bihis ang team.

Si LA Tenorio na ang bagong head coach ng Hotshots, hinugot mula Ginebra para pumalit kay Chito Victolero. Unang official business ni Tenorio bilang head mentor ang paghugot kay 6-foot-5 big man Yukien Andrada bilang No. 6 pick overall sa 2025 Draft noong September 7, bago ‘yun, nasilo ng Hotshots si Javi Gomez de Liano sa trade sa Terrafirma para kay Jerrick Ahanmisi.

“I think ever since I’ve been here, and before I’ve been here, the talent’s there,” ani Lucero. “But we can go all the way. We might not have the talent of an SMB or Ginebra, but we have enough.”

Sakto sa talento, kailangan na lang mailabas at magamit ang potensiyal, binigyan din si Lucero ng panibagong two-year maximum extension nitong offseason.

Nawala lang si William Navarro na tumalon sa Korean Basketball League (KBL), pero pukpok pa rin ang mga beteranong sina Mark Barroca, Paul Lee, Ian Sangalang, Rome dela Rosa, at sina Jerom Lastimosa, James Laput.

“We have to make sure that we are the most together team, and that beats talent, usually,” dagdag ng 6-foot-6 forward. “Hopefully that would be the case for us this year.”

Noong 2018 Governors Cup pa ang huling championship ng Magnolia, binansagan ng mga miron na ‘Introboys’ dahil humaharurot sa umpisa ng bawat torneo bago tumutukod sa dulo.

Sa October 5 ang siklab ng golden season via Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.

Samantala, labas na agad ang dibidendo ng pagdating ni Juan Gomez de Liano sa Converge.

Kita ang chemistry ni Gomez de Liano sa mga dinatnang sina twin towers Justin Arana at Justine Baltazar, at ang backcourt nina Alec Stockton at Schonny Winston, No. 2 pick ng Fiberxers si Juan GDL sa 2025 PBA Draft noong September 7.

Gumawa ng ingay ang Converge sa build up bago ang PBA Season 50 Philippine Cup, winalis ang apat na panalo sa preseason games, kabilang sa mga biktima ng FiberXers ang all-Filipino defending champion San Miguel, Meralco, NLEX at Blackwater.

Solb na kay Bronny! LeBron James dehins na hihintayin sa NBA si Bryce


 AMA na raw si Bronny, hindi na hihintayin ni LeBron James na makalaro pa sa NBA ang isa pang anak na lalaking si Bryce.

Freshman pa lang sa Arizona ngayong taon si Bryce, noong nakaraang season, natupad ang pangarap ni LeBron na makalaro ang panganay na si Bronny, naging teamamtes ang mag-ama sa Los Angeles, hinugot ng Lakers si Bronny bilang 55th pick overall noong 2024 draft.

“I am not waiting on Bryce,” paglilinaw ni James sa media day ng Lakers nitong Lunes, via Dan Woike ng The Athletic. “I don’t know what his own timeline is. I got my timeline, and I don’t know if they quite match up.”

Mukhang papunta na sa finish line ng career si LeBron, 40, ngayong 2025-2026 NBA ay papasok na sa kanyang record 23rd season.

Aminado siyang igagarahe na rin ang jersey, hindi lang nagbigay ng konkretong sagot kung kailan.

“Sooner than later,” aniya raw, ayon kay Woike.

Motibasyon daw ni James na makalaro pa sa kanyang kasibulan si Luka Doncic, 26, dumating sa LA si Doncic noong February sa blockbuster trade mula Dallas kapalit ni Anthony Davis.

“The motivation to be able to play alongside (Luka) every night? That’s super motivating,” ani James. “That’s what I’m gonna train my body for. Every night that I go out there, and try to be the best player I can for him, and we (gonna) bounce that off one another.”

Forthsky Padrigao, Nic Cabañero ibabala uli ng UST Growling Tigers

 

IPAGPAPATULOY nina Forthsky Padrigao at Nic Cabañero ang pananalasa ng host University of Santo Tomas (UST) sa pagsagupa nito sa National University (UST) na kapwa asam samahan ang pahingang Ateneo sa tuktok ng UAAP Season 88 collegiate men’s basketball standings ngayong Miyerkoles sa UST Quadricentennial Pavilion Arena.

Magbabalik sa pugad ng Growling Tigers ang mga laro na inaasahang gagamitin ng squad ni coach Pido Jarencio ang homecourt advantage laban sa Bulldogs na sabik makabangon matapos ang mga nakakadismayang kampanya nakaraang season sa ganap na alas-4:30 ng hapon.

Itinala ng UST ang dalawang matinding sorpresa sa torneo matapos na putulin ang siyam na sunod na pagkatalo sa defending champion University of the Philippines (UP) at tinapos ang 16 sunod-sunod na kabiguan sa runner-up noong nakaraang taon na De La Salle.

Nakatuon ang Growling Tigers sa kanilang unang 3-0 simula mula noong 2015, ang taon na huli itong nakarating sa Finals bitbit ang programang nakabase sa España.

Nagpamalas ng pamumuno sina Padrigao at Cabañero, habang ang Nigerian rookie center na si Collins Akowe ay naging dominanteng puwersa sa panalo ng UST.

Nag-average si Akowe ng 24.5 points at 18 rebounds sa kanyang dalawang laro upang parusahan ang mga Fighting Maroons at Green Archers. Si Padrigao ang muling nagsasaayos ng opensa, kung saan tinanggap ni Cabañero ang papel ng sandigan ng samahan.

“These guys are good. I don’t think we’ll have a hard time grounding them because I talk to them off the court and always ask what they can improve on. We just have to keep grounded, we just have to stick to what we’re doing,” sabi ni Growling Tigers assistant coach Peter Martin.

Para sa NU, sa wakas ay mayroon nang malusog na listahan si coach Jeff Napa matapos buksan ang season sa 2-0. Ngunit inamin niyang maraming bago ang Bulldogs bago tunay na maituturing na Final Four contenders.

“Number one siyempre iyung consistency namin. Day in and day out, iyung approach namin, it should be all about effort. How we put iyung effort na ibinibigay namin and kung paano kami magiging consistent day in and day out,” sabi ni Napa.

“We will start again in practice, we will try to put in an effort again to stay sharp and stay positive kasi hindi biro iyung parating pa na mga kalaban namin. We need to be ready, and we need to stay healthy pa rin. Iyun ang number one concern para magawa namin ang gusto naming gawin,” sabi pa nito.

Ang Bulldogs ay sasandal nang husto sa Senegalese center na si Omar John, na may average na 12 puntos at 5.5 rebounds bawat laro, habang haharap siya kay Akowe sa isang inaabangang laban. Para kay Akowe, ito ang unang beses na makakalaban niya ang dati niyang alma mater sa high school.