Sunday, September 28, 2025

Anne, Vhong, Jhong sasamahan si Vice sa Vancouver

 

May pa-surprise ang TFC (The Filipino Channel) para sa mga faney, ha!

Noong una kasi ay tanging si Vice Ganda lang ang in-announce nila na taga-“Its’ Showtime” na kasama sa “ASAP Vancouver” show nila sa Canada, pero may iba pa palang kasama.

Nitong weekend nga ay ibinida nila na sasamahan din nina Anne Curtis, Vhong Navarro, at Jhong Hilario sa Vancouver si Meme Vice.

“Plot twist of the year” nga raw nila ‘yon.

Eh sobrang excited din pala sina Vice, Anne, Jhong, at Vhong na magkakasama-sama sila sa Vancouver.For sure, kaliwa’t kanang gimik ang gagawin nila, ha!

Anyway, wala naman daw magiging problema sa shooting ng “Call Me Mother” nina Vice at Nadine Lustre dahil noon pa pala naayos ang schedule ng pagpunta ng Unkabogable Star sa Vancouver.

‘Yun na! 

Kaya win! Pia binuking anting-anting sa Miss Universe

 

May dala raw na anting-anting si Pia Wurtzbach nang masungkit niya ang korona sa Binibining Pilipinas at Miss Universe noong 2015!

Sa kanyang birthday vlog sa Japan nitong Sabado, ikinuwento niya kung paano niya nakuha ang amulet.

“Years ago, pumunta ako sa Meiji Temple bago ako mag-compete. And then, meron akong nabiling amulet tapos you can choose one for every, whatever it is that you need,” kuwento ni Pia.

Pinili raw niya ang isang anting-anting para sa “victory.”

“Parang naniniwala kasi ako na ‘pag nilabas mo siya agad doon sa lalagyan niya, parang na-activate mo na ‘yung power niya. So sabi ko, ‘di ko muna ia-activate ‘yung power. Do’n ko na sa night ilalabas.”

Dinala umano niya ang anting-anting backstage sa parehong pageant, “No joke, sa Binibini at Miss U. And then I went back a few years later to discard it in the same place where you bought it from.

“Wala lang, ako kasi, naniniwala ako sa energy. Whether it was real or not, it was real for me,” dagdag ng beauty queen.

Makabili nga rin ng anting-anting!

Richard may patama sa mga korap

 

Nakasama namin si Richard Gutierrez sa birthday lunch ng niece niyang si Aria Gutierrez sa Fogo de Chão sa Glorietta 4, Makati City noong Sabado.

Kasama rin namin ang twin-brother niyang si Mond Gutierrez at parents na sina Eddie Gutierrez at Annabelle Rama.

Tungkol sa politika at korapsiyon ang naging topic ng tsikahan namin.

Tutok din pala ang pamilya Gutierrez sa Senate hearing tungkol sa mga korapsiyon at anomalya sa mga government project. Naaliw nga kami dahil gustong manood ni Richard ng hearing, pero sabi namin sa kanya Lunes hanggang Huwebes lang ‘yon.

May patama nga rin si Richard sa mga korap at nag-post siya ng picture ng favorite singer niyang si Bob Marley kung saan ay sinabi nito na: “You will never find justice in a world where criminals make the rules.”

Samantala, pahinga muna si Richard sa shooting ng “Shake, Rattle & Roll: Evil Origins” dahil nasa abroad pa ang leading lady niyang si Ivana Alawi.

Pero mabilis naman daw ang trabaho nila dahil naka-7 shooting days na sila.

Pagbalik daw ni Ivana ay kailangan muna nilang sumbaka sa training bago mag-shooting uli.

Bukod sa horror, may todo rin sa action scenes ang kanilang pelikula.