Sunday, September 28, 2025

P36B budget ng DPWH ipamudmod sa mga pobre kaysa ibulsa – Erwin Tulfo


 Tinukuran ni Senador Erwin Tulfo ang desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ilipat na lang sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang P36 bilyong flood control fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga naghihirap at walang kabuhayan na mga mamamayan.

“Instead nga naman na mapunta lang sa bulsa ng mga DPWH officials, contractors at politiko, mas mainam na mapunta na lang sa mga mahihirap ang pondong ito,” sabi ni Tulfo, chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare and Development.

“Kasi kapag sa DSWD ang pondo, diretso sa mga tao at hindi na nahahawakan ng mga politiko o opisyal o kontraktor ang pera,” dagdag pa ng senador na nagsilbi rin bilang kalihim ng DSWD.

Nais ni Pangulong Marcos na ilaan ng DSWD ang pondo sa Assistance for Individual in Crisis situation (AICS) at sa Sustainable Livelihood Program (SLP).

Ang AICS ay isang programa ng DSWD para sa mahihirap at pangangailangan nilang emergency tulad ng pambili ng gamot, pambayad sa ospital, palibing, pamasahe at iba pa. Ang SLP naman ay pangkabuhayan na P15,000 na ibinibigay ng DSWD sa isang komunidad para may pagkakitaan ang mga residente. (Dindo Matining)

PBBM nagsimba sa ika-36 anibersaryo ng pagpanaw ni Marcos Sr.

 

Inalala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang yumaong amang si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr., sa ika-36 anibersaryo ng pagkamatay nito.

“Remembering my father, Apo Lakay, on his 36th death anniversary. His memory and his dreams remain with me always,” ani Marcos sa isang Instagram post nitong Linggo, Setyembre 28.

Nagsimba ang Pangulo sa Immaculate Conception Parish sa Batac, Ilocos Norte para sa paggunita ng pagkamatay ng kanyang ama.

Sa ibinahaging post ng Presidential Communications Office, kasama ng Pangulo ang ilang miyembro ng kanyang pamilya at mga tagasuporta.

Pumanaw si Marcos Sr. noong Setyembre 28, 1989 sa Honolulu, Hawaii, tatlong taon matapos ang People Power Revolution noong 1986.

Nagsilbi siya bilang ika-10 pangulo ng Pilipinas mula 1965 hanggang 1986. (Issa Santiago)

Hatol ng Court of Appeals: `Eat Bulaga’ hindi sa TAPE, pinasuka P3M

 

Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) na hindi ang TAPE Inc. ang may-ari ng mga copyright ng “Eat Bulaga,” kabilang ang mga audio visual recordings at jingle ng show.

Tinanggihan ng CA ang apela ng TAPE at pumabor sa orihinal na hosts na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon (TVJ).

Giit ng korte, walang pahintulot ng TVJ ang paggamit ng TAPE sa mga copyrighted materials.

Inutusan ang TAPE na magbayad ng P3 milyon sa TVJ bilang danyos at legal fees kung saan ay P2 milyon para sa temperate damages, P500,000 exemplary damages, at P500,000 sa attorney’s fees.

Ang desisyon ay kaugnay ng naunang ruling ng RTC Marikina na naglabas ng TRO laban sa TAPE at GMA Network, na nagbabawal sa paggamit ng pangalan, logo, at jingle ng “Eat Bulaga,” pati na ang pag-ere ng mga lumang episode.

Una nang kinilala ng Regional Trial Court na may unfair competition at copyright infringement ang TAPE at pinagmulta ng P2 milyon. (Prince Golez)