Sunday, September 28, 2025

Hatol ng Court of Appeals: `Eat Bulaga’ hindi sa TAPE, pinasuka P3M

 

Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) na hindi ang TAPE Inc. ang may-ari ng mga copyright ng “Eat Bulaga,” kabilang ang mga audio visual recordings at jingle ng show.

Tinanggihan ng CA ang apela ng TAPE at pumabor sa orihinal na hosts na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon (TVJ).

Giit ng korte, walang pahintulot ng TVJ ang paggamit ng TAPE sa mga copyrighted materials.

Inutusan ang TAPE na magbayad ng P3 milyon sa TVJ bilang danyos at legal fees kung saan ay P2 milyon para sa temperate damages, P500,000 exemplary damages, at P500,000 sa attorney’s fees.

Ang desisyon ay kaugnay ng naunang ruling ng RTC Marikina na naglabas ng TRO laban sa TAPE at GMA Network, na nagbabawal sa paggamit ng pangalan, logo, at jingle ng “Eat Bulaga,” pati na ang pag-ere ng mga lumang episode.

Una nang kinilala ng Regional Trial Court na may unfair competition at copyright infringement ang TAPE at pinagmulta ng P2 milyon. (Prince Golez)

P1.38B `winalis’ ng 2 bagyo, habagat sa agri

 

Umabot na sa P1.38 bilyon ang pinsala sa agrikultura at imprastruktura dulot ng magkasunod na Bagyong Mirasol at Nando na sinabayan pa ng habagat sa siyam na rehiyon sa bansa, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Nasa 55,595 na mga magsasaka at farm workers ang apektado matapos salantain ng mga bagyo at habagat ang 47,723 ektarya ng kabukiran.

Ayon sa DA, nasa 109,997 tonelada ng palay, mais, high-value crops, hayop, at manok ang nawala at hindi pa kasama sa bilangan ang pinsalang dala ng Bagyong Opong na katatapos lang humagupit sa bansa, partikular sa Mindoro at Masbate.

Inutusan na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang mga regional office at ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) na bilisan ang pagkuwenta ng pinsala at inatasan din niya ang National Food Authority na maglabas ng bigas para sa relief operations.

Naglaan ang PCIC ng P236 milyon na pambayad sa claims ng 25,800 na mga magsasaka. Sa naturang halaga ay P206M ang para sa palay.

Ayon sa DA, may 17,600 na mga insured farmer mula sa Ilocos at Cagayan Valley.

“Early next week we will submit our impact assessment for Opong,” sabi ni PCIC President Jovy Bernabe. (Eileen Mencias)

Pulong Duterte: Trillanes nag-check kay Digong sa ICC

 

Naniniwala si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang ipinadala ng pamahalaan para mag-“welfare check” kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Sa kanyang Facebook post nitong Sabado, Setyembre 27, mariing binatikos ng mambabatas ang umano’y pagbisita ni Trillanes sa ICC at pinatamaan ang administrasyon sa isinagawang “welfare check” sa kanyang ama.

Dagdag pa niya, “Baka magkalat ka ng virus mo dyan at di ka pa naman na inject ng anti rabies shot mo,” banat pa ni Duterte

Nagbabala pa ito kay Trillanes huwag umanong mag-aalala dating senador dahil masasadlak din ito sa selda at hintayin na lamang na mangyari ito sa kanya.

Kinonek pa nito sa flood control fund ang ibinayad umano kay Trillanes para tingnan ang sitwasyon ng dating pangulo.

Noong Miyerkoles, Setyembre 24, pinalagan ng kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte ang umano’y welfare check sa kanilang ama na isinagawa ng mga opisyal ng Philippine Embassy. Aniya, iniuulat raw nila ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Tugon naman ng ICC, lahat ng bumibisita sa detention facility ay may pahintulot o mismong hinihiling ng nakadetine, ayon sa kanilang tuntunin.

Samantala, pinost naman sa social media ni Trillanes ang isang larawan kung saan ipinakitang nasa harap siya ng ICC.

“Relax lang po. Nasa loob pa si Duts. Nagha-hanapbuhay lang ang abogado niya,” ani Trillanes.

Base sa ulat ng Politiko, pumunta si Trillanes sa The Hague, Netherlands mula Setyembre 16 hanggang 18 bilang delegado sa Tenth Seminar on Cooperation sa ICC. Isa siya sa 32 delegado mula sa 19 na bansa sa tatlong araw na seminar.

Tinalakay sa seminar ang pagpapahusay ng kooperasyon sa imbestigasyon, witness protection, at post-trial procedures.

Isa si Trillanes sa masigasig na nagpasimula ng reklamo sa ICC laban kay Duterte kaugnay ng giyera kontra droga sa ilalim ng administrasyon nito. (Angelika Cabral)