Thursday, September 25, 2025

Nxled Chameleons kakasahan sa korona ang Ho Chi Minh


 Nagposte ng 2-1 win-loss record ang Nxled upang mapasabak sa championship round ng 1st Vinh Long International Women’s Open Volleyball Tournament 2025 sa Vinh Long Province Multi-Purpose Center sa Vinh Long City, Vietnam.

Natalo ang Chameleons sa mahirap na huling laban kontra Ho Chi Minh City, 25-22, 18-25, 17-25, 26-24, 15-7, sa pagtiklop ng preliminary round nitong Miyerkoles. Na-injured dito at hindi na nakabalik pa sa laro si import Paola Martinez Vela. Pero may tsansang makaresbak ang Premier Volleyball League squad kontra Vietnamese sa kanilang pagtutuos sa finals ngayong Biyernes simula sa alas-8:00 nang gabi (9:00 p.m. Philippine time).

“Mag-ingat kayo, mga dalagita! Babawi tayo!” giit ng koponan sa isang post nitong Huwebes. Nanawagan din ang kampo sa mga tagahanga na suportahan sila sa paghahabol sa korona.

Sinungkit ng Nxled ang unang panalo sa torneo nang walisin ang VTV Binh Dien Long noong Lunes, 25-23, 26-24, 25-19.
Pangalawang hinakbangan ng Chameleons ang host Vinh Long, 28-26, 22-25, 25-15, 25-10 noong Martes, sa 2-nation, 4-team volleyfest na bahagi ng preparasyon ng una para sa 8th PVL Reinforced Conference sa Oktubre. (Abante Sports)

Mga salaping P1K pinawawalis sa sirkulasyon

 

Inirekomenda ni dating Finance Secretary Cesar Purisima na tanggalin sa sirkulasyon ang P1,000 bill upang hindi magamit sa korapsiyon sa mga proyekto ng gobyerno.

Ito ang naging panawagan ni Purisima sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kung saan siya ay naging bahagi bilang ex-officio member ng Monetary Board.

Aniya, ginawa na ito ng European Central Bank noong 2019 sa 500-euro note bilang panlaban sa mone¬y laundering at counter terrorist financing.

Sa nakitang diskarte ng mga tiwaling opisyal ng Department of Public Works and Highways sa Bulacan, sinabi ni Purisima na malinaw na cash nakukuha ang pera ng bayan na mas madaling nakukurakot.

“The recent DPWH corruption scandals show once again how cash fuels graft. Bribes and kickbacks thrive in cash because it is untraceable, untaxed, and invisible to regulators,” sabi ni Purisima.

Kabilang sa kanyang mga mungkahi: ilimita ang malalaking cash transactions, obligahin ang malalaking bayarin na dumaan sa banking system at ipa-report sa mga bangko hindi lang deposits kundi pati withdrawals na higit sa $10,000 — gaya sa US. Kamakailan, pinagbawal na ng BSP ang pag-withdraw ng cash na lalampas sa P500,000. (Eileen Mencias)

Suplay ng kuryente patay-sindi pa rin sa Siquijor

 

Sa kabila ng pakikialam ng MalacaƱang, problema pa rin ang brownout sa Isla ng Siquijor na nakapeperwisyo sa mga negosyo at tahanan.

Nag-iskedyul ang Province of Siquijor Electric Cooperative Inc. (PROSIELCO), ng power interruption mula 8:30 a.m. hanggang 12:00 noon at 1:00 p.m. hanggang 5:00 p.m. nitong Setyembre 25, 27, 29 at 30. May buong araw pang brownout mula 8:30 a.m. hanggang 5:00 p.m. sa Cang-allas para sa line clearing. Ngayong Setyembre 26, alas-5:00 ng madaling-araw hanggang tanghali naman ang putol-kuryente para sa pagpapalit ng poste at paglilinis ng linya. Sa mga liham na ipinadala noong Setyembre 2 sa Department of Energy (DOE), National Electrification Administration (NEA), at Energy Regulatory Commission (ERC), inaaalam ng National Association of Electricity Consumers for Reforms (NASECORE) kung bakit inabot ng halos isang taon—at isang direktang babala mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bago umaksiyon sa problema.

Para sa consumer watchdog sa usapin ng kuryente, hindi sapat ang mga paliwanag ng mga ahensiya. Giit nila, hindi dapat mangyari pa sa ibang lugar ang nangyari sa Siquijor. (Eileen Mencias)