Nanawagan si Las Piñas Rep. Mark Anthony Santos sa Department of Justice (DOJ) na agad maglabas ng immigration lookout bulletin order laban sa mga opisyal at kontraktor na umano’y sangkot sa multi-bilyong pisong kuwestiyonableng proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa lungsod.
Ayon kay Santos, mahalagang matiyak na mananatili sa bansa ang mga nasasangkot—kabilang si dating Las Piñas Councilor Carlo Aguilar at iba pang kamag-anak ni dating DPWH Secretary at ngayon ay si Senador Mark Villar—upang hindi makatakas sa umano’y pananagutan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa isang special report ng Bilyonaryo News Channel (BNC) noong Martes, ibinunyag na ilang kamag-anak at malalapit na kaalyado ng pamilya Villar—kasama ang pamilya ng asawa ng senador—ang nakakuha ng bilyun-bilyong pisong halaga ng proyekto sa imprastraktura ng gobyerno mula 2016 hanggang 2021, panahon kung kailan si Villar ay kalihim ng DPWH sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Nauna nang ibinulgar ni Santos na 33 sa ₱339 milyong infrastructure project sa Las Piñas mula 2022 ang nakuha ng I&E Construction kung saan si Aguilar ang managing officer.
Naging kasosyo rin umano si Aguilar sa isang proyekto sa Quezon Province na kinasasangkutan ng itinuturing ng Senate Blue Ribbon Committee bilang “top ghost project contractor.”
Noong Oktubre 3, 2024, iginawad ng DPWH Region 4-A ang isang kontratang nagkakahalaga ng ₱32.7 milyon sa joint venture ng Silverwolves Construction Corporation at Motiontrade Development Corporation para sa “Rehabilitation, Reconstruction of Roads with slips, Slope Collapse, and Landslide Primary Road” sa Daang Maharlika, Quezon Province.
Sa talaan ng Senate Blue Ribbon Committee ng mga “Contractors with Ghost Projects,” nanguna ang Silverwolves Construction na may 15 ghost project. Ang Silverwolves ay pag-aari ni Moises Tabucol na nakabase sa Mudeng, La Paz, Abra.
Samantala, ang Motiontrade Development Corporation na pinamumunuan ni Aguilar ay matatagpuan sa Alabang-Zapote Road, Admiral Village, Talon 3, Las Piñas City.
“Hindi dapat may makalusot. Ang panawagan ng taumbayan ay hustisya at pananagutan, hindi pagtakas sa batas,” giit ni Santos.


