Tuesday, September 23, 2025

PNP tiniyak airtight cases vs rioters sa Maynila


 Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief Lt.Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na kakasuhan  ang mga rioter na nanggulo at naaresto nitong Linggo sa gitna ng mga protesta.

Ang paniniyak ay ginawa ni Nartatez kasabay ng pahayag na mahaharap sa airtight cases ang mga sangkot at maging ang mga nasa likod ng  gulo na ikinasugat ng halos 100 pulis.

Sinabi ni Nartatez na nagsisimula nang manga­lap ng ebidensiya ang mga imbestigador kabilang ang  interrogation sa mga naarestong suspek hanggang sa pagsusuri sa kanilang mga post sa social media para magamit sa pagsasampa ng kaso.

“The investigation is ongoing and part of this is gathering strong pieces of evidence to ensure airtight cases. Let us allow our investigators to focus on their job,” ani Nartatez.

Ipinakalat sa mga kilos-protesta noong Linggo ang mga pulis na magpatupad ng maximum tolerance hanggang nanggulo ang grupo ng mga kalalakihang naka-maskara sa Ayala Bridge at sa Mendiola noong gabi.

Nasa 95 PNP personnel ang nasugatan, at tatlo sa mga ito ang nagtamo ng serious injuries na kinailangan ng atensyong medikal.

“The attacks on our personnel on the ground were captured in videos and photos. Hindi ito police brutality na gaya ng gustong palabasin ng iba, ito ay maliwanag na kaso ng brutality sa ating mga kapulisan at hindi natin palalampasin ito,” dagdag pa ni Nartatez.

Nasa 216 indibidiwal ang naaresto, na binubuo ng 127 adults at 89 menor-de-edad.

Atayde, 3 pang Quezon City solons kakasuhan sa flood control mess

 

Sasampahan ng civil case ng Lawyers for Commuters and Safety Protection (LCSP) sa Korte Suprema ang apat na mambabatas ng Quezon City na pinaghihinalaang sangkot sa maanomalyang flood control project sa lungsod.

Sa media briefing, sinabi ni LCSP President Atty. Ariel Inton, na kabilang sa kanilang kakasuhan ay si QC 1st District Congressman Arjo Atayde bunsod ng pagkukulang nito na tuparin ang kanyang tungkulin hinggil sa flood control projects kaya’t dumanas nang pagbaba sa Quezon City.

“Kakasuhan namin sila ng civil case, pani­gurado si Cong. Arjo Atayde, ang tanong dyan, did they perform their duty?, may honesty ba?” sabi ni Inton.

Naiintindihan ng LCSP ang pagkadismaya ni QC Mayor Joy Belmonte nang hindi ipi­naalam sa kanya ng mga QC congressman ang proyekto na wala sa Drainage Master Plan ng lungsod.

Batay sa isinumiteng ulat ni Belmonte kay Public Works Secretary Vince Dizon at ICI adviser Benjamin Magalong, na nasa P17 bilyon ang 331 DPWH flood control projects sa QC mula 2022 hanggang 2025 kung saan 305 dito wala sa Drainage Master Plan habang may 170 projects umano sa QC ay may  Congressional Insertion.

Umaasa rin ang LCSP na mapapanagot ng ICI ang lahat ng dapat managot sa usapin ng maanomalyang flood control projects sa bansa partikukar sa QC.

Una nang kinasuhan ng LCSP sa SC ang mga DPWH officials at contractors na inaakusahan na sangkot sa flood control projects.

Ex-DPWH execs may tig-P20 milyon pang-casino


 Inamin ni dating DPWH Bulacan 1st District assistant district engineer Brice Hernandez nitong Martes na nakakatanggap sila ng P20 milyon bawat isa, tatlong beses isang linggo upang ipanglaro sa casino.

Ayon kay Hernandez, ang boss nila na si dating district engineer Henry Alcantara ang nagbibigay ng pera sa grupo nila.

“Pag pumunta po kami sa grupo, may dala lang po na pera sa aming grupo, si boss Henry po. Dun po kami kumuha,” ani Hernandez.

Sinabi ni Hernandez na palaging may dalang pera na naka-bag sa kanyang sasakyan si ­Alcantara. “Naka-ready po talaga. Kung hindi po ako nagkakamali, isang bag na naglalaman ng P20 million,” ani Hernandez.

Sabi ni Hernandez, hindi niya alam kung ang mga bag ng pera ay nagmula sa mga pondo para sa mga proyektong pang-imprastraktura.

Inungkat ni Sen. Raffy Tulfo kay Hernandez ang P597 milyon na kabuuang halaga ng mga deposito ng pera sa kanyang 36 na bank account, ayon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).

Una ay itinanggi ni Hernandez ang nasabing halaga pero kalaunan ay sinabi niya na ang kabuuan ay maaaring umabot sa P597 milyon kung lahat ng deposito ay susumahin.