Friday, September 19, 2025
Mungkahi ni VP Sara na ipakidnap si Co, delikado – Castro
Delikado at hindi magandang manggaling mismo sa bibig ng Bise Presidente ang mungkahi na ipakidnap si Ako Bicol Rep. Zaldy Co na isinasangkot sa maanolmalyang flood control projects.
Ito ang tugon ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa mungkahi ni Vice President Sara Duterte na ipakidnap si Congressman Zaldy Co na kasalukuyang nasa Amerika.
Paliwanag ni Castro, delikado ang mungkahi ni VP Sara dahil illegal ito lalo na at inakusahan at iimbestigahan pa lamang si Co sa kontrobersiya sa flood control.
“Ipakidnap si Zaldy Co…tatak Kriminal yan…mali ang ganyang advice mula sa isang Bise Presidente,” saad pa ni Castro.
Hindi rin aniya kuwestiyon kung bakit hinayaang magbiyahe si Co palabas ng bansa dahil walang hold departure order ang mambabatas.
Binigyang-diin ni Castro na hindi sakop ng Office of the President ang pagbibigay ng travel authority dahil ito ay hurisdiksiyon ng Office of the House Speaker.
Muli namang binanatan ni Castro si VP Sara sa pagsasabi ng siya mismo ay madalas bumiyahe at hinahayaan siya ng Office of the President kahit na mayroon itong nakabinbing isyu sa korapsiyon na bahagi ng articles of impeachment kaya wala itong ipinagkaiba kay Co na iimbestigahan pa lamang.
Travel clearance ni Rep. Co kinansela ng Kamara
Kinansela ni House Speaker ni Faustino “Bojie” Dy III ang travel clearance ni Ako Bicol partylist Rep. Rizaldy Co at inaatasan na agad bumalik dito sa bansa sa gitna ng mga alegasyon ng anomalya sa flood control projects.
Sa liham na may petsang Setyembre 18, inaatasan ni Dy si Co na bumalik dito sa Pilipinas sa loob ng 10-araw matapos na matanggap ang kautusan.
“Please be advised that your Travel Clearance for your personal trip is hereby revoked effective immediately,” nakasaad sa liham.
Ang pagkakakansela aniya ay inisyu para sa interest ng publiko at sa usapin na kinakailangan ang kanyang pisikal na presensya.
Kailangan din aniyang matugunan agad ang nasabing mga isyu.
Banta naman ni Speaker na kapag nabigo si Co na dumating sa takdang panahon ay nangangahulugan ito ng pagtanggi kaya subject siya sa anumang parusa ng Kamara na maaaring magresulta sa kaukulang disciplinary at legal actions.
Kaya inaasahan si Co na agad sumunod sa kautusan ng liderato ng Kamara.
Si Co ay kasalukuyang nasa Amerika para magpagamot.

