Tuesday, May 13, 2025

Bulkang Kanlaon, muling sumabog!


 Sumabog ulit ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island kahapon.

Ayon sa Philippine Ins­titute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagkaroon ng moderate­ explosive eruption sa summit crater ng naturang bulkan alas-2:55 ng madaling araw na may tagal na limang minuto.

“The eruption gene­rated a greyish voluminous plume that rose approximately 4.5 kilometers above the vent before drifting to the southwest.;Large ballistic fragments were also observed to have been thrown around the crater within a few hundred meters and caused burning of vegetation near the volcano summit erupted early Tuesday,” ayon sa Philvolcs.

Dulot nito, naitala ang manipis na ashfall sa mga lokalidad ng Negros Occidental sa La Carlota City – Brgys. Cubay, San Miguel, Yubo at Ara-al,  Bago City – Brgys. Ilijan at Binubuhan, La Castellana – Brgys. Biak-na-Bato, Sag-ang, at Mansalanao.

Ang bulkan ay nananatiling nasa alert level 3 status.

Kaugnay nito, sinabi ni Phivolcs director Teresito Bacolcol na kailangang maging mapagmasid at maghanda ang mamamayan doon dahil sa inaasahang mas malakas na pagsabog sa susunod na mga araw.

Nananatili namang nasa mga evacuation centers ang mga residenteng apektado ng pag-aalboroto ng Bulkang Kanlaon.

Joy Belmonte, Isko at iba pang Metro Manila Mayors naiproklama na


 Naiproklama nang lahat ang  mga nanalong alkalde na kinabibilangan nina Quezon City Mayor Joy Belmonte,­ Manila Ma­yor Isko Moreno at Pasig City Mayor Vico Sotto gayudin ang mga bise alkalde sa katatapos na midterm elections 2025 nitong Lunes.

Sa Quezon City, pormal nang naiproklama si incumbent  Mayor Joy Belmonte na nakakuha ng 1,030,000 gayundin ang ka-tandem nitong si Vice Mayor Gian Sotto na nakakuha ng  923,680 boto.

Sa panayam ng media, lubos na nagpasalamat si Belmonte sa ‘historic’ 1 million votes. Bagamat nasa huling termino, tiniyak ni Belmonte na patuloy niyang isusulong ang social services, programang pangkalusugan at pabahay para sa QCitizens.

Ayon naman kay dating House Speaker Sonny “SB” Belmonte  at ama ni Mayor Joy, pinabilib siya ng anak nang makakuha ng higit 1 milyong boto mula sa QCitizens. Ani, SB dahil sa tiyaga at sipag ng bunsong anak ay nakuha ang pinakamataas na bilang ng boto mula sa NCR.

Sinasabing noong 2010, si dating Manila Mayor Fred Lim ang nakakuha ng higit 1 milyong boto sa NCR  at ngayong 2025, si Mayor Joy  lamang ang nakakuha ng pinakamataas na boto sa pagka-Mayor sa Metro Manila.

“Simpleng tao ‘yan, mabait, matiyaga at masipag ay nakuha ang malaking bilang ng boto.Bilib ako sa kanya dahil ako natapos ang tatlong term sa pagka-Mayor ng QC pero hindi ko naabot ang milyong boto..ituloy lang niya ang magaganda niyang ginagawa” dagdag pa ni SB.

Ang mga konsehal namang nangunguna sa  QC ay sina TJ Calalay,  District 1; Mikey Belmonte, District 2; Doc Geleen Lumbad, District 3; Atty. Vicent Belmonte, District 4; Joseph Visaya, District 5 at Doc Ellie Juan, District 6.

Sa Congressional seat, nanalo ang mga  incumbent Congressman na sina Arjo Atayde, District 1; Ralph Tulfo, District 2; Franz Pumaren, District 3; nagbabalik ba si Atty. Bong Suntay, District 4; PM Vargas, District 5 at Marivic Co-Pilar, District 6.|


12 waging senador target iproklama sa Mayo 17

 

Maaari umanong sa weekend ay maiproklama na ng Commission on Elections (Comelec) ang 12 winning senators para sa Eleksyon 2025.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, sa ?Sabado, Mayo 17, ang pinakamaaga nilang target na makapagsagawa ng proklamasyon.

“Baka itong Sabado o Linggo, sana makapag-proklama na tayo ng senador,” ani Garcia.

“Mabilis naman eh. Tingnan niyo 98.9% na nga ang nandyan, ­kapiraso na lang ang kulang. Kahit siguro wala yung kulang basta maipadala sa amin sa national board perhaps baka wala ng effect ang natitirang results. Pero syempre kailangan ang ­Comelec 100% ang canvass. Walang kahit isa man na COC ang ­maiiwan pag nag-canvass ang Comelec,” dagdag pa niya.

Matatandaang hanggang nitong Martes ng tanghali, o isang araw matapos ang halalan, nasa 98.99% na ang nai-transmit na local election returns (ERs) sa Comelec transparency servers. Ito ay 92,453 ng 93,387 na inaasahang total ERs.

Nag-convene namang muli ang Comelec, na umuupo bilang National Board of Canvassers (NBOC), nitong Martes ng hapon upang ipagpatuloy ang canvassing ng mga boto sa pagka-senador at party-list groups sa katatapos na midterm polls sa bansa.